Umaasa si Ogie Alcasid na muli niyang makakatrabaho ang kaibigang si Michael V ngayon nasa GTV na ng GMA Network ang kinabibilangan niyang noontime show na "It's Showtime."

Nitong Miyerkules, sinelyuhan sa contract signing ang pagpapalabas ng "It's Showtime" sa GTV na mapapanood simula sa Sabado, July 1, sa ganap na 11:30 am.

Mula rito, mapapanood ang naturang programa mula Lunes hanggang Sabado tuwing tanghali.

Matapos ang contract signing, sinabi ni Ogie sa showbiz press na nakausap niya ang mga kaibigan at katrabaho sa GMA gag show na “Bubble Gang,” na dati rin siyang kasama.

Nang lumabas ang mga balita sa paglipat ng "It's Showtime sa GTV, nagpadala si Michael V o Bitoy ng shocked emoji sa post ni Ogie.

“I would love to work with him again,” ani Ogie, na ipinagpaliban ang biyahe sa abroad para sa isang concert upang makadalo sa contract signing.

Nang tanungin si Ogie kung mapapanood ba siyang mag-guest sa “Bubble Gang,” sinabi ng singer-actor na, “Maybe. Hindi ko alam.”

Natatawa pang sinabi ni Ogie na, “Who knows, if kaya pa ng powers ko.”

Gayunman, handa naman si Ogie kung sakaling magbalik-tambalan sila ni Bitoy.

“Hindi ko alam eh kung ano man ang... Maganda siguro gumawa ulit kami ng mga sketch,” saad niya. “Pero si Bitoy na bahala nun, siya 'yung creative guy eh.”

Ilan sa markadong tambalan nila Bitoy at Ogie ang mga karakter nina "Yaya" at "Angelina."

Simula sa July 9, mapapanood na ang "Bubble Gang" sa bago nitong araw at oras.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules, sinabing mula sa kasalukuyang late-night show tuwing Biyernes, mapapanood na ang "Bubble Gang" simula sa July 9 sa araw ng Linggo sa ganap na 6 p.m.

Papalit sa time slot ng Bubble Gang sa Biyernes ang "Amazing Earth" ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.

"Dahil sa paglipat na ito, dahil sa movement na ito, inaasahan na mas marami po ang makakanood ng mas masaya, mas entertaining, at mas malaking 'Bubble Gang,'" ayon kay  Tito Boy.—FRJ, GMA Integrated News