Hindi napigilan nina Anne Curtis at Kim Chiu na maging emosyonal sa ginanap na contract signing ng "It's Showtime" sa GTV Channel 27 ng GMA Network.

Naispatan ang dalawa sa mga host ng programa na maluha-luha sa makasaysayang pirmahan ng kontrata ng mga boss ng GMA at ABS-CBN na ginanap sa SEDA Vertis North, Quezon City nitong Miyerkules.

Napansin ng mga host ng programa na sina Iya Villania at Robi Domingo ang dalawa matapos ang talumpati ni ABS-CBN President and CEO Carlo L. Katigbak.

"Anne, kaya pa?" biro ni Iya. "Akala mo hindi ko napapansin 'yan, nakikita ko."

Dugtong naman ni Robi, "Tears of joy!"

Sa kaniyang mensahe, pinasalamatan ni Anne ang mga executive "for giving us a venue to continue our journey in making the madlang people happy."

"On this day, I can say na G na G na talaga kaming lahat, as we celebrate this remarkable day of becoming a Kapamilya-Kapuso," patuloy niya.

Ayon kay Iya, nauunawaan niya ang pakiramdam ni Anne dahil pareho niyang naging tahanan ang GMA at ABS.

Samantala, pabiro namang nagpakilala si Kim sa mga Kapuso dahil hindi pa niya nasubukan na makapagtrabaho sa GMA.

Pero labis ang pasasalamat niya sa mga Kapuso sa pagkakataong na maipalabas sa GTV ang kanilang noontime show.

"Gusto ko talaga sabihin to — magandang hapon po, mga Kapuso," masayang bati ni Kim. "Sobra lang akong nagpapasalamat, thank you, thank you for giving us a home."

Sabi pa ni Kim, "Maraming maraming salamat, mga madlang Kapuso, magkita-kita tayo ngayong Sabado."

Present din sa contract signing ang iba pang host ng It's Showtime na sina Vice Ganda, Jhong Hilario, Amy Perez, Ogie Alcasid, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ryan Bang, Ion Perez, MC, Lassy, Jackie Gonzaga, Cianne Dominguez, at ang direktor na si Jon Moll.

Sa panig ng GMA, dumalo sa contract signing sina GMA Network’s chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon, Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide and Support Group, and President and CEO of GMA Films Atty. Annette Gozon-Valdes, President and COO Jimmy Duavit Jr., at Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe S. Yalong.

Nandoon naman para sa ABS-CBN sina President and CEO Carlo L. Katigbak, Chairman Mark L. Lopez, COO for Broadcast Cory Vidanes, at Officer-in-Charge of Finance Group Paul Piedad.

Mapapanood ang "It's Showtime" simula sa Sabado, July 1 sa GTV Channel 27, at matutunghayan ito mula Lunes hanggang Sabado sa ganap na 11:30 am. —FRJ, GMA Integrated News