Inihayag ni Paolo Contis na nagpasintabi siya sa mga dating host ng “Eat Bulaga” na sina Vic Sotto at Joey de Leon nang tanggapin niya ang alok na maging bagong host ng programa.

“Katulad ng sinabi ko, noong tinanggap ko ‘yung trabaho sa 'Eat Bulaga,' para sa akin importante na makapagpasintabi ako, lalo na sa mga naging close ko, dahil of course para sa akin trabaho ‘yon, kailangan kong gawin,” sabi ni Paolo sa nakaraang episode ng “The Boobay and Tekla Show.”

“So nagpasintabi ako kay Bossing (Vic Sotto) through Pauleen (Luna). Si Tito Joey (de Leon) kasi, kumpare ko. So nag-message ako sa kaniya para magpasintabi lang, letting him know that I meant no disrespect and I hope we could talk eventually,” kuwento pa ni Paolo.

“Sa akin importante lang na alam niya kung ano ‘yung nasa puso ko, regardless kung hindi siya nag-reply or not, alam ko na may kaibigan akong nakausap niya at nalaman ko na somehow okay siya roon, alam niyang trabaho lang,” dagdag niya.

Para kay Paolo, mahalaga na nagtatrabaho siya nang walang nasasagasaang ibang tao.

Matapos magpaalam, hindi na iniintindi pa ni Paolo ang kaniyang mga basher.

“Kaya sa akin, wala akong pakialam sa mga basher. Kasi ‘yung mga kinauukulan, alam nila kung ano ‘yung nasa puso ko. Para sa akin everything else, background noise lang,” saad niya.

Diretsahang tinanong si Paolo ng host na si Boobay kung “okay” sila nina Tito, Vic at Joey o TVJ.

“Honestly, I don’t see any reason, on a personal, kung bakit kami hindi magiging okay. Kasi wala naman kaming ginagawa para i-disrespect sila. Katulad nga ng sinabi ko, nagpasintabi ako. But of course naniniwala ako na sana dumating ‘yung araw na makapag-usap-usap kami nang personal...” sabi niya.

Ayon kay Paolo, nananatili ang respeto niya sa TVJ bilang dating mga host ng Eat Bulaga.

“Siyempre ako I would love to work with Tito, Vic and Joey, gustong gusto ko ‘yon. Maliit ang showbiz, nirerespeto namin sila. Alam nila na hindi namin sila mapapalitan. Kumbaga kami ay nagpatuloy lang naman para magtuloy-tuloy ang work ng mga tao, ‘yung show. And I believe they are smart, they are professional, alam nila na trabaho lang ‘yung sa amin, walang personalan,” patuloy niya.

Matatandaan na kumalas sa TAPE Inc. na producer ng Eat Bulaga noong Mayo sina Tito, Vic, at Joey, at iba pang hosts ng show.

Kasunod nito, sina Paolo, Betong Sumaya, at Buboy Villar ang pumalit na mga bagong host ng "Eat Bulaga" noong Hunyo 5, 2023.--FRJ, GMA Integrated News