Napa-"Oh my goodness" si Betong Sumaya nang malaman niyang nabiktima siya ng prank ng kapuwa niya "Eat Bulaga" host na si Paolo Contis.

Sa isang episode ng "The Boobay and Tekla Show" na guest si Paolo, tinawagan at nagkunwari ang actor-TV host na kokonsulta siya kay Betong kung sino kina Ian Red at Pepita Curtis ang dapat na irerekomenda niya na bago nilang makakasama sa show.

Paliwanag ni Betong, isang impersonator si Pepita, habang stand-up comedian naman si Ian.

Pero mas gusto raw ni Betong si Pepita dahil nakatrabaho na niya ito kumpara kay Ian.

Gayunman, pinayuhan ni Betong si Paolo na mas makabubuti na si Buboy Villar, na kasama rin nila sa "Eat Bulaga," ang tanungin.

Mas kilala at nakatrabaho na raw kasi ni Buboy sina Pepita at Ian.

Sa kalagitnaan ng pag-uusap ng dalawa, may nabanggit pa si Betong tungkol sa umano'y meeting na gagawin ng "Eat Bulaga," na nagpatawa maging kina Boobay at Tekla.

Dahil baka may masabi pang iba si Betong tungkol sa "Eat Bulaga," kinausap na ni Boobay si Betong at sinabi nitong na-'TBATS ang komedyante.

Natuwa ang TBATS hosts sa pagiging maingat ni Betong sa mga sinabi niya tungkol kina Pepita at Ian. Pero ano nga ba ang tinutukoy niyang meeting sa Eat Bulaga? Panoorin ang nakatutuwang video ng TBATS.--FRJ, GMA Integrated News