Muling ginawa ni Derek Ramsay ang iconic na “Pare, pulis ako” anti-piracy video. At sa pagkakataong ito, may "special participation" ang Hollywood actor na si Chris Hemsworth.

Ginaya ang naturang tagpo sa video na may hinabol na kriminal si Derek para sa promotion ng Netflix movie na “Extraction 2” na pinagbibidahan ni Chris.

Gaya ng original na tagpo sa anti-piracy video, may babae na  may dalang gulay ang nabangga sa ginawang habulan. May kamatis din na natapakan.

Hanggang makarating ang kriminal sa isang kuwarto na kinaroroonan ni Chris na siyang unang nakahuli rito.

At nang dumating si Derek, tinanong ni Chris kung sino siya.

“Pulis ako,” sagot ni Derek kay Chris, at pinosasan na ang hinahabol niyang lalaki.

Nag-fist bump din ang dalawa at nagpasalamat si Derek kay Christ.

Kamakailan lang, nagtungo sa bansa si Chris para i-promote ang “Extraction 2,” na No.1 movie ngayong sa Netflix Philippines..—FRJ, GMA Integrated News