Inamin ni Rhian Ramos ang nangyaring hiwalayan at balikan nila ng businessman-turned-politician na si Sam Verzosa. Sa pagkakataong ito, napag-uusapan na kaya ng dalawa ang magpakasal?

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Rhian na "compilation of a lot of things" ang dahilan ng paghihiwalay nila ni Sam.

Aminado ang aktres na nagkulang sila sa komunikasyon ng nobyo na kinatawan ngayon ng isang party-list group sa Kamara de Representantes.

"What happened [was], I guess, we could have communicated better," ani Rhian. "I think it's very important in a relationship na kaya n'yong pag-usapan lahat and you're not forcing the other person na hulaan kung anong nararamdaman mo."

Inihayag din ni Rhian na nakaapekto rin sa kanilang hiwalayan ang pagpasok ni Sam sa pulitika.

"It was difficult, and if I can just be honest, if I think about it, I wish I could have been more supportive," saad niya.

"I would say, [politics] was one of [the reasons sa breakup], but the number one thing is, we really could've communicated better," dagdag niya.

Ngayong nagkabalikan na, tinanong ni Tito Boy si Rhian kung napag-uusapan nila ang kasal.

Ayon sa aktres, bagaman naiisip nila ang kasal, wala pa naman daw ito sa plano ng magkasintahan.

"We're not planning, but we're playing with the idea," ani Rhian. "It was never naman my dream or a requirement, but I would if God puts that in my life and if it's for me."

"If I didn't want him to be the one, then what am I doing dating him?" dagdag niya.

Ayon kay Rhian, nagdi-date na sila ni Sam nang makita silang magkasama sa GMA Gala Night noong July 2022.  Kamakailan lang, magkasama muli ang dalawa na dumalo sa MEGA Ball. —FRJ, GMA Integrated News