Inamin ni Judy Ann Santos na naantig ang kalooban niya nang madinig ang magagandang sinabi ni Claudine Barretto tungkol sa kaniya nang maging bisita ang huli sa "Fast Talk With Boy Abunda."

Sa episode ng naturang talk show ni Boy Abunda nitong Martes, sinabi ni Judy Ann na napanood niya ang naturang guesting ni Claudine.

Pag-amin ng 45-anyos na aktres, naging teary-eyed siya nang balikan ni Claudine ang naging "kompetisyon" nilang dalawa noong '90s bilang mga young actress.

"Tama si Claudine eh, we never really had the chance to be close nung mga bata kami," saad ni Juday. "We're very good friends, we're OK, we never just had that chance to go out and, you know, be really close."

Sa nakaraang panayam kay Claudine, sinabi niya na pinagtatapat silang dalawa ni Judy Ann noong kabataan nila. Pero wala umano silang naging away na dalawa.

"People think that we don't get along or we never [get] along, but [the] truth is that, you know, even noong debut niya, right after, I remember that it was a Sunday and everything was closed, the after-party was in my condominium," pag-alaala noon ni Claudine.

Sinabi ni Claudine na kasama sa pangarap niya na makatrabaho si Judy Ann, bagay na sinang-ayunan naman ng huli.

Sa episode nitong Martes, sinabi ni Judy Ann na ngayon ang magandang pagkakataon na magkasama sila ni Claudine sa proyekto.

"A project with Claudine? Of course, why not. I think hindi lang naman dahil sa hinihingi ng mga tao, but I think it would be a very interesting project," ani Judy Ann.

"This is I think the very perfect moment. Why? Because kalmado at payapa ang kapaligiran," dagdag niya.—FRJ, GMA Integrated News