Ipinakilala na si Octo-1, ang bagong miyembro ng Voltes team na tiyak na kagigiliwan ng mga sumusubaybay sa "Voltes V: Legacy."

Sa episode nitong Lunes, ipinakita na ni Little Jon (Raphael Landicho) ang red octopus robot na kaniyang ginawa at pinangalanan niyang Octo-1.

Ayon kay Little Jon, ika-anim na miyembro ng Voltes team si Octo-1.

"Ohayou, konnichiwa," sabi ni Octo-1 matapos ipakilala ni Little Jon ang robot sa kaniyang kuya na si Steve Armstrong (Miguel Tanfelix) at si Jamie Robinson (Ysabel Ortega).

Sumugod sina Steve at Jamie, at Mark Gordon sa kuwarto ni Little Jon nang makadinig sila ng fire alarm, pero kaagad ding umalis si Mark.

"Hello everyone, my name is Octo-1," pagbati ni Octo-1, na Takko-chan ang pangalan sa original Japanese anime.

 

 

Kayang lumipad ni Octo-1 at sumunod sa mga utos ng Voltes team.

Sa teaser ng susunod na episode, makikita si Octo-1 na kasama ni Little Jon sa kanilang Volt Frigate.

Napapanood ang "Voltes V: Legacy" mula Lunes hanggang Biyernes sa GMA Telebabad sa ganap na 8 p.m. pagkatapos ng "24 Oras." Mapapanood din ito via livestream sa GMA Network YouTube channel at GMANetwork.com/KapusoStream.—FRJ, GMA Integrated News