Nilinaw ni Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos na hindi nila pinahintulutang umere ang mga dating Dabarkads sa Eat Bulaga noong Mayo 31, hindi para sipain sila sa programa kundi makipagnegosasyon pa sa kanila.
“Noong May 31 talagang nagulat kami because we didn’t think that it would happen. Madami kaming narinig from people from the industry na nagsasabi sa amin na aalis na sila,” sabi ni Jalosjos sa Updated With Nelson Canlas podcast.
“Hindi kami naniwala, we didn’t understand why they wouldn’t talk to us first. Puwede namang pag-usapan eh,” giit ng tagapagsalita ng pamilya Jalosjos.
Pinabulaanan ni Jalosjos na gusto ng Television and Production Exponents Inc. (TAPE) na alisin ang dating Dabarkads.
“Nasa gitna pa kami ng negotiations during that time, and nasaktan kami kasi talagang itinuloy nila. Ang pangit pa roon, when it happened, pinapalabas nila na we kicked them out. It happened abruptly na umalis sila kasi nga raw tinanggal namiin sila sa ere. Hindi po talaga totoo ‘yun.”
Ayon kay Jalosjos, noong nalaman nila ang planong pag-alis ng Dabarkads, hindi bahagi ng cast si Tito Sotto, kaya nang mapanood nilang magsasalita rin ito, nakita na ito ni Jalosjos bilang isang red flag.
“We had to stop the airing noong time na alam namin na lalabas sila because we wanted to negotiate with them still, we wanted to talk to them. Kasama sa sinabi ng kapatid ko, we didn’t want them to talk or to do anything na hindi talaga natin maaatras.”
“What we’re going through right now, may mga nasabi na, may mga nangyari na. And it is already too late for us to turn back. Nakakalungkot," sabi ni Jalosjos.
Ayon kay Jalosjos, bago pa ang pandemya ay nagkaroon na ng dinner ang kaniyang amang si Romeo Jalosjos Sr. kasama sina Tito at Vic Sotto, upang ipaalam na magkakaroon ng “more active role” ang kanilang bagong management sa operations.
“Hindi po totoo na nagulat sila na we wanted to come in, kasi alam na po nila yun eh, matagal na po ‘yun eh. How many years na, three years?”
“Nakakalungkot man, pero ito lang ang gusto kong sabihin, it’s unfair sa pamilya namin at kumpanya namin na ipamukha na kami ‘yung masama, na sinipa namin sila, tinanggal namin sila. May mga ganu’ng salita eh. Hindi po totoo ‘yun. We never did that, malinis po ang konsensya namin when it comes to that. We did everything, alam ni Tito Sen yan, hindi niya pwede sabihin na we didn't try to work it out.”
Maging ang nakatatandang Jalosjos ay nalulungkot sa nangyari, ngunit kailangan nilang magbawas ng gastusin pagdating sa kanilang negosyo.
“He also said ‘If you weigh everything, ‘yung dalawang options natin whether we just go along, we wouldn’t even last a year. With the expenses na lumalabas, being a company, we should step in and make sure na [ayusin] muna natin ang gripo kasi sobra sobra ang tagas eh.”
"Why don't we cut down a bit on expenses kasi medyo out of control na po.''
Hindi naman na inilahad pa ni Jalosjos ang mga binabanggit niyang numero pagdating sa perang ginagastos ng TAPE Inc. sa pagpapatakbo ng Eat Bulaga.
Dagdag pa ni Bullet, sinabi ng kaniyang kapatid na si Jon Jalosjos, ngayo’y presidente ng TAPE Inc., na 95% ng negosasyon ay ibinigay na ng mga Jalosjos sa Dabarkads.
“Hindi po totoo na nabawasan sila ng sweldo. Meron kaming papel para ipakita ‘yon na even until they left, walang nakaltasan na sweldo because we were still negotiating with them.”
Kamakailan lamang, kumalas sa TAPE Inc. ang mga host ng show sa pangunguna nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Nitong Lunes, ipinakilala ang mga bagong host na sina Paolo Contis, Betong, Buboy Villar, Mavy at Cassy Legaspi, Alexa Miro at XOXO. —VBL, GMA Integrated News