Sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, Stell ng SB19, at Chito Miranda ang magiging mga coach sa kauna-unahang "The Voice Generations" sa Asya.

"Sobrang exciting ito. It's a different journey for the talents but different journey din for the coaches," ayon kay Billy sa Chika Minute report ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

Sinabi naman ni Chito na lead singer ng bandang Parokya Ni Edgar na dati na siyang nagme-mentor ng singer-songwriter pero ngayon lang niya ito gagawin para sa show.

Ang nag-iisang babae sa grupo na si Julie Anne, sinabing hindi niya maiwasan na kabahan pero excited rin sa show.

Labis naman ang pasasalamat ng P-pop boy group member ng SB19 na si Stell na napabilang  siya sa mga coach ng "The Voice Generations."

"Yung pagiging coach parang nagagawa ko lang sa amin sa group. Pero yung ngayon yung talent sa buong Pilipinas na hindi pa nadi-discover. Pero with the right support and coaching, talagang makikita natin at doon po kami excited sa mapo-produce namin dito sa The Voice," saad ni Stell.

Sa "The Voice Generations," ang mga coach ang pipili ang talent na nais nilang i-mentor sa mga aspirant na mula sa iba't ibang henerasyon.

Patuloy pa ang audition para sa The Voice Generations, at dapat bumuo ng grupo ng dalawa o higit pa ang miyembro. Kailangang edad pito pataas ang agwat ng mga kasali sa grupo.

Sa mga interesadong sumali, bisitahin lang ang official website na: www.gmanetwork.com/TheVoiceGenerationsAuditions.

--FRJ, GMA Integrated News