All-out ang suporta ni Vin Abrenica sa kaniyang asawang si Sophie Albert sa pagbabalik sa trabaho, at mapapanood na sa bagong Kapuso series.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing bahagi si Sophie ng upcoming mystery series na “The Missing Husband,” na nagtaping kamakailan sa Dubai.

Nakabalik na sa Pilipinas si Sophie, kaya naman napakasaya ni Vin na muling makasama ang kaniyang asawa.

Ayon kay Vin, sumakto ang taping ni Sophie matapos niyang gumanap sa “Mga Lihim ni Urduja,” kaya siya naman ang nag-aalaga sa kanilang anak na si Avianna.

Sinabi ni Vin na magandang proyekto ang “The Missing Husband” at may hamon sa karakter ni Sophie, kaya todo ang pagsuporta niya.

Samantala, may bago ring proyekto si Vin ngunit hindi niya muna inilahad kung ano ito.

“Finally nga sabi niya nakabalik siya eh, ang sarap lang sa feeling na, dream niya ito eh, so pinu-pursue niya ulit ‘yung dream niya. I’m so proud of her na nakakabalik siya, at she’s really doing well,” sabi ni Vin. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News