Sa pagbisita niya sa "Fast Talk With Abunda" nitong Lunes, masayang bumati at nagpakilala sa Kapuso viewers si Maja Salvador kaugnay ng kaniyang kauna-unahang sitcom na ipalalabas sa GMA Network na "Open 24/7," kasama si Vic Sotto.

Sa naturang talk show, kinumusta ni Tito Boy si Maja kaugnay sa bago niyang proyekto na "Open 24/7," na kasama rin si Jose Manalo, at ilan sa Sparkle artists.

"Bagong sitcom po namin ni Bosing [Vic Sotto]. It's under MZET and GMA Network.

Dito na nagpakilala at bumati si Maja sa mga Kapuso viewer.

"Hello mga Kapuso. Ako po si Maja Salvador," malumanay at masayang pagbati ni Maja, na napapanood din bilang isa sa mga host ng "Eat Bulaga," na ipinalalabas din sa GMA 7.

"Exciting Tito Boy kasi from 'Eat Bulaga,' Ito sitcom with Bossing. Yung talagang nagkaroon na ako ng chance na maka-aktingan si Bossing," saad ng aktres.

Sa naturang sitcom, malaman daw niya kung may magandang timing ba siya sa comedy.

Tinanong ni Tito Boy ang kaibahan ng drama sa comedy.

"Sa comedy kasi ang hirap magpatawa. Yung dapat hindi mo pipilitin na magpatawa," paliwanag niya. "Kasi 'pag pipilitin mo, mas baka hindi mag-work."

Dahil mas kilala si Maja sa drama, tinanong siya ni Tito Boy kung paano o saan siya  humuhugot upang magampanan ang kaniyang karakter.

Pag-amin ni Maja, dahil matagal na rin siya sa showbiz at marami nang mga batikang artista na nakatrabaho, hindi umano siya nahihiyang humingi ng payo.

Kabilang sa mga nakapagbigay daw sa kaniya ng payo na hindi niya nakakalimutan ay si Vilma Santos.

"Huwag mong isipin kung paano ka umiyak, isipin mo kung paano mo sila mapapaiyak," bilin umano sa kaniya ng tinaguriang Star for All Seasons."

Natatandaan din ni Maja ang payo sa kaniya ng aktor na si Tirso Cruz III, na dapat niyang isipin na parang produkto rin ang mga artista na dapat alamin kung "paano mo ibebenta, paano mo ire-repackage para hindi magsawa sa iyo ang tao."  --FRJ, GMA Integrated News