Ikinuwento ni Maja Salvador na "second chance" ang love story nila ni Rambo Nuñez Ortega, na nakatakda na ngayong magpakasal.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Maja na si Rambo ang ex na tangi niyang binalikan.
Una raw silang nagkaroon ng relasyon ni Rambo noong 21-anyos. Pero pagkaraan ng apat na buwan, kinailangan nilang maghiwalay para sa kaniyang pamilya at career.
"Nung unang naging kami, kailangan ko i-sacrifice 'yung relationship namin para sa family ko at sa career ko. Pero siya, sigurado sa 'kin eh," masayang balik-tanaw ni Maja.
"Sinabi niya 'yon kay mama, na if may pera lang siya, if kaya niya lang ako buhayin, papatigilin na niya ako mag-artista," ayon pa sa aktres.
Noong Marso 2019, nagkabalikan sina Maja at Rambo.
"Sabi ko [sa sarili ko], walang balikan [sa ex] pero sobrang laking bagay talaga nung family niya," saad ng akres.
Ipinadama umano sa kaniya ng ina ni Rambo na bahagi na siya ng pamilya.
"Pinaramdam niya na anak niya rin ako, 'yung mas kakampi siya sa 'kin kesa kay Rambo," kuwento pa ni Maja.
Noong Abril 2022, naging engaged sina Maja at Rambo, at nakatakda silang magpakasal sa darating na July. —FRJ, GMA Integrated News