Inihayag ni Kelvin Miranda na nagkataon lamang na nagkamali siya ng napasukang audition nang sumalang siya para sa pelikulang “Dead Kids,” ngunit siya pa ang nakuha sa lead role at magwaging best actor.
Sa online talk show na “Just In” ni Paolo Contis, binalikan ni Kelvin kung paano siya nakuha sa “Dead Kids” noong 2019, na kauna-unahang Netflix original film mula sa Pilipinas.
“Siya talaga ‘yung first role ko na malaki kasi from audition, from scratch,” sabi ni Kelvin.
“Actually meron nga akong kuwento riyan, na mali ako ng napasukan na room. Kasi noong pinag-audition ako ni sir (kaniyang manager), binabanggit niya sa akin na pinag-o-audition-an ko ‘yung isang film,” sabi pa niya.
“So pagpasok ko roon sa audition room, ‘Hello po!’ Hindi ko nakita si Direk Mik (Mikhail Red), nandoon lang siya sa sulok kasi tahimik lang siya, nasa monitor.”
Nagtanong si Kelvin kung tama ang pelikula kung saan siya nag-o-audition.
“‘Hindi, Dead Kids ito. Alam mo ba ‘yung pinapasok mo?’” sabi raw ng staff kay Kelvin.
“Hindi ko alam, hindi ko talaga alam,” natatawang sabi ng Kapuso actor.
“Pinanindigan ko na lang, pero nahiya ako noong sinabi nila ‘Alam mo ba ‘yung ginagawa mo?’ Hindi naman harsh ‘yung pagkakasabi nila pero natatawa rin sila sa sitwasyon. ‘Para kang naligaw,’” pag-alala pa niya.
At nang sumabak na sa audition, ibang karakter din ang kaniyang sinubukan at hindi ang bida.
“Iba ‘yung in-audition ko riyan. Ang in-audition ko ‘yung Blanco, tsaka ‘yung role ni Khalil (Ramos). Pero ‘yung direktor mismo ‘yung nagsabi na ‘Sige nga i-try mo nga itong gawin si Sta. Maria (bida).’ Eh hindi ako prepared.”
“Sabi ko ‘Sige po, okay lang po, basahin ko,’” sabi ni Kelvin sa direktor. “‘Hindi, huwag mo nang basahin, mag-improvise ka na lang. Bigyan kita ng scenario, gawin mo siya.’”
Hindi man niya inaasahan, si Kelvin pa ang nakakuha sa lead role.
“Hindi ko in-expect na makukuha ako roon sa film kasi since ‘yung pina-audition sa akin bida. So ine-expect ko mas kilala ‘yung kukunin,” saad niya.
Nanalo si Kelvin bilang Best Actor para sa pelikula sa ika-anim na Urduja Film Festival.
“‘Yan ang nagbigay sa akin ng magagandang opportunities dahil din naman sa Dead Kids,” sabi ni Kelvin. —LBG, GMA Integrated News