Naging mainit ang pagtanggap at naki-volt in! ang mga manonood kaya naging matagumpay at namayagpag sa TV ratings sa pilot week ang "Voltes V: Legacy."
Nagsimulang ipalabas ang "Voltes V: Legacy" noong May 8 sa mga Kapuso channel na GMA, GTV, I Heart Movies, at Pinoy Hits.
Base sa preliminary overnight data ng Nationwide Urban TV Audience Measurement (NUTAM) People Ratings ng market research firm na Nielsen Philippines, panalo sa rating ang Voltes V: Legacy sa pilot week na mula May 8 hanggang May 12.
Noong May 8, nagmarka Voltes V team ng 14.6, at sa mga sumunod na araw naman ay 12.7, 13.6, 12.6, at 12.6. Lumilitaw na nakakuha ang Voltes V: Legacy ng average rating na 13.22 percent sa unang linggo nito.
Sa unang linggo ng Voltes V: Legacy, ipinakilala ang limang tagapagtanggol mundo laban sa mananakop na imperyong Boazania.
Dahil unti-unti na ring naipakilala ang katauhan ni Ned Armstrong (Dennis Trillo), at pagkakabuo ng "Camp Big Falcon," asahan na mas titindi na ang mga susunod pang mga eksena kung papaano ipagtatanggol ng Voltes V team at Voltes V robot ang mundo.
Marami na rin ang nasasabik na makita ang sagupaan ng Voltes V robot kontra sa mga beastfighter ng Boazania.
Patuloy na subaybayan ang Voltes V: Legacy mula Lunes hanggang Biyernes, sa ganap 8:00 pm sa GMA Telebabad, GTV, I Heart Movies, at Pinoy Hits. At mapapanood online kasabay ng pag-ere sa TV via Kapuso Stream. --FRJ, GMA Integrated News