Nagdesisyon ang isang Manhattan federal court na hindi ilegal na kinopya ni Ed Sheeran ang classic song ni Marvin Gaye noong 1973 na "Let's Get It On” para sa kaniyang 2014 hit na “Thinking Out Loud.”
Sa ulat ng Reuters, sinabing nagpasiya ang hurado na nabigong patunayan ng pamilya ng “Let’s Get It On” songwriter na si Ed Townsend na nilabag ng label ni Sheeran na Warner Music Group, WMG.O at Sony Music Publishing ang copyright interest para sa kanta ni Gaye.
Kinasuhan ng pamilya ni Townsend ng copyright infringement noong 2017 si Sheeran at iginiit na kinopya nito ang “heart” ng kanta ni Gaye, kasama ang melody, harmony at rhythm. Dumepensa naman ang mga abogado ni Sheeran na may basic musical "building blocks" na hindi maaaring ma-copyright kaya may mga pagkakatulad sa ilang mga kanta.
"I find it really insulting to devote my whole life to being a performer and a songwriter and have someone diminish it,” sabi ni Sheeran sa kaniyang pagharap sa trial at pagtanggi sa paglabag sa copyright.
Sa witness stand, tinugtog ni Sheeran ang chord progression sa “Thinking Out Loud” at kinanta ang opening na “When your legs don't work like they used to."
Tumestigo si Sheeran na nag-umpisang mag-strum ang kaniyang kaibigan at collaborator na si Amy Wadge sa chords para sa kanta noong bumisita ito sa kaniyang tahanan sa England, at nag-collaborate sila sa lyrics.
Pero ayon sa abogado ng mga Townsend na si Ben Crump, umamin si Sheeran na may kinuha ang British pop superstar sa kanta nang kantahin niya ito nang live sa concert bilang medley para sa “Thinking Out Loud.”
Iginiit naman ni Sheeran na madalas nagpe-perform ng “mash ups” ang mga singer, at may mga pagkakataong pinagsama niya ang kaniyang kanta sa "Crazy Love" ni Van Morrison at "I Will Always Love You" ni Dolly Parton.
Hindi naman nagbigay ng tugon ang mga abogado ng pamilya ni Townsend matapos ang desisyon. —LBG, GMA Integrated News