Inihayag ni Glaiza De Castro ang kaniyang paghanga sa kaibigang si Angelica Panganiban, na sinasabi nang harapan kung ano ang nakikita nitong hindi maganda tungkol sa kaniya.

“Kaya rin kami naging friends ni Angelica dahil nakita ko sa kaniya ‘yung sincerity, na kung ano ‘yung nasa isip niya ‘yun talaga ‘yung sasabihin niya,” sabi ni Glaiza sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

“‘Yun po ‘yung minsan nakakatakot sa mga tao, na ang daming sinasabing mga magagandang bagay sa ‘yo pero pagtalikod mo, iba na ‘yung sinasabi. Siya (Angelica), kung pangit ‘yung sinasabi niya sa ‘yo sa harap mo, asahan mo na ‘yun talaga ‘yung opinyon niya sa ‘yo,” sabi pa ni Glaiza.

Kaya naman daw naging tapat din si Glaiza kay Angelica.

Matagal nang magkaibigan sina Glaiza at Angelica na abot na sa 15 taon.

Kasama si Angelica sa surprise bridal shower para kay Glaiza sa kasal niya kay David Rainey.

Bukod kay Angelica, kaibigan din ni Glaiza ang iba pang empowered women tulad nina Maxene Magalona, Chynna Ortaleza, Sheena Halili at Rochelle Pangilinan.

“Sa akin lang po Tito Boy, feeling ko lang kapag nagsasama-sama kami, mas na-e-empower nila ako, ‘yung energy nila na nakukuha ko. Sa life, meron kang kasama na mga matitikas na mga babae na handa rin sumama sa ‘yo sa laban mo,” sabi ni Glaiza. -- FRJ, GMA Integrated News