Inamin ni Dolly De Leon na sumama ang kaniyang loob nang hindi siya maging nominado bilang Best Supporting Actress sa nagdaang Oscars 2023. Pero hindi raw niya malilimutan ang Hollywood star na si Cate Blanchett na naka-chikahan niya sa CR.

“I was, of course I was [disappointed]. Kasi Kuya Boy. I was there for two months promoting the film,” sabi ni Dolly sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

Ayon kay Dolly, sumailalim sila sa tinatawag na “Oscar campaign,” kung saan tinrabaho nila para masigurong may ma-nominate sa kanilang mga kasama sa pelikulang “Triangle of Sadness.”

“So I was away from home for two months doing that. Being away from my children, kumbaga blood, sweat and tears ‘yun eh,” kuwento pa ni Dolly. “Imagine you are working on something that hard and then you don’t get it. So siyempre sumama ang loob ko.”

Ngunit ilang araw lang daw ang naging pagdadalamhati ni Dolly sa naturang kabiguan.

“Pero siyempre ‘yung sama ng loob ko, it was more of dahil napagod ako, pinaghirapan ko tapos hindi ko nakuha. Pero okay na ako after a while. Siguro mga two or three days lang akong nag-mourn, which I think is normal. Dapat as human beings we are allowed to feel bad, ‘di ba?,” paliwanag niya.

Hindi man naging nominado, kasama pa rin si Dolly sa mga imbitado sa Oscars 2023, at nakasalamuha niya ang ilan sa mga malalaking pangalan sa Hollywood.

Ayon kay Dolly, ang isa sa mga pinaka-memorable experience niya sa Oscars ay ang  aktres na si Cate Blanchett, na kaniyang nakausap sa loob ng banyo.

"Ang weird ng meeting namin sa CR, sa ladies room," natatawa niyang sabi. "Tapos meron talagang interaction na medyo mahaba-haba."

Bigo man sa Oscars, nominado si Dolly sa Golden Globes, BAFTA Film Awards at waging best supporting actress sa Los Angeles Critics Award.

Sa ngayon, natapos na si Dolly ang "Grand Death Lotto” movie para sa Prime Video, at ang independent film na “Between the Temples.”--FRJ, GMA Integrated News