Inihayag ni Tito Sotto, na isa sa host at mga haligi ng Eat Bulaga, ang kaniyang pagkadismaya sa kontrobersiyang nangyayari sa longest noontime show sa bansa. Kabilang rito ang usapin tungkol sa mga plano umano na pagbabago na gagawin sa show at ang gusot sa pamunuan ng TAPE Inc.
“I am disappointed, at the very least. I am disappointed at what is happening,” sabi ni Tito sa panayam sa kaniya sa “Updated with Nelson Canlas” podcast.
“Kasi may mga nababasa ako na sulat sa ganito... Ika nga nakakahirap ng damdamin namin,” pagpapatuloy niya.
Ayon kay Tito, may plano ang TAPE Inc., producer ng Eat Bulaga, na ipag-resign o ipagretiro ang lahat ng nasa produksyon, at pagkaraan ay muling kukunin para isaayos umano ang budget ng programa.
Ngunit iginiit ni Tito Sen na tila walang kasiguraduhan na muling matatanggap ang mga pinagbibitiw na empleyado, lalo na ang mga nasa 35 taon nang nagtatrabaho sa Eat Bulaga.
Inalmahan ni Tito ang ginawang “credit grabbing” umano ng mga Jalosjos nang sabihin ni Mayor Bullet Jalosjos sa "Fast Talk with Boy Abunda" na ang kaniyang amang si Romeo Jalosjos Sr., ang nag-aapruba ng mga ginawa sa programa.
“All the way, from 1979 up to the present, ‘pag merong iki-clear na portions o pinag-uusapan, they clear it with Tito, Vic and Joey and Tony Tuviera. No one else. All of sudden they are saying it has always been cleared with them. I’m surprised paanong masasabi ‘yun?,” giit ni Tito.
Nagkomento rin si Tito sa pahayag umano ni Mayor Bullet na mare-retain ang hosts ng Eat Bulaga, kabilang ang TVJ.
“Masagwang pakinggan sa amin ‘yung mare-retain kami. Para bang puwede kaming sipain. Eh kami nga ang Eat Bulaga eh. ‘Yung mga ganu’ng salita, my unsolicited advice to them is, mag-ingat naman kayo sa mga bitaw ng salita na nakakasakit ‘yung salita ninyo,” sabi ni Tito.
“That kind of a statement is improper. Yes I do [take offense]” dagdag pa niya.
Ikinalungkot din ni Tito ang “pagreretiro” ni Tuviera, ang presidente at CEO ng TAPE Inc. Sa kaniyang opinyon, hindi nagretiro kundi “pinagretiro” si Tuviera.
Para kay Tito Sen, walang dapat ayusin sa Eat Bulaga.
“Ikinalulungkot namin. All of a sudden, out of the blue. May kasabihan ang mga Amerikano, ‘Why fix it if it ain’t broke?’”
“Nagugulat kami na after 43 years, going 44, na biglang magkakaroon ng kontrobersiya na, ika nga nabulabog ang Eat Bulaga samantalang nananahimik and everything was doing well. There were ups and downs but generally, it was fine, even until about January of 2023,” pagpapatuloy niya.
“The production and the company, the program is doing well. So okay lang. But we are having this conversation because all of a sudden one member of the corporation was interviewed and was not accurate. As a matter of fact there were false statements that were made.”
Sinabi ni Tito na ang kaniyang mga pahayag ay may pahintulot din nina Vic at Joey.
Nakipag-ugnayan na ang Updated with Nelson Canlas kay Mayor Bullet Jalosjos at hinihintay ang kanilang panig hinggil sa isyu. -- FRJ, GMA Integrated News