Para sa veteran actor na si Romnick Sarmenta, hindi "hassle" kung may fans na biglang nagpa-picture o nagpa-autograph sa kaniya. Aniya, paraan iyon ng pagsusukli sa mga tao na ibinibigay din ang kanilang oras kapag tinatangkilik ang kaniyang proyekto.
Sa nakaraang episode ng podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," naging panauhin sa show sina Romnick at Jury Prize awardee Elijah Canla, na bida sa Summer Metro Manila Film Festival na "About Us But Not About Us."
Sa naturang panayam, sinabi ni Romnick kay Pia na, "To be honest, I never saw myself as a celebrity. I work, I am an over glorified employee."
Unang nasilayan sa telebisyon si Romnick bilang ang batang si "Peping" sa TV show na "Gulong ng Palad" noong 1970's.
Nang magbinata, kinakiligan naman si Romnick na isa sa mga teen star sa "That's Entertainment."
Ayon kay Romnick, pinapahalagahan niya ang kaniyang trabaho na naging malaking bagay para sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya.
"I am grateful for it, I want to improve more because of the people I worked with, because of the people I meet during work. Yung 'palabok,' yung celebrity status, yung 'french fries' benefits kumbaga on the side para sa akin bonus na lang 'yon," saad niya.
Sinabi pa ng aktor na pinagbubutihan niya ang kaniyang trabaho para din sa mga taong tumatangkilik at nagbibigay ng halaga sa kaniyang mga ginagawa.
"Kaya kapag sinabi nilang, 'Hindi ka ba naha-hassle kapag biglang may nagpa-autograph o nagpa-picture?' Paano ka maha-hassle e binibigay din nila yung oras nila sa'yo. Kapag pinapanood ka nila 'di ba, so suklian mo lang. Wala naman problema doon," paliwanag niya. --FRJ, GMA Integrated News