Ibinahagi ni Jewel Mische na nakilala niya ang kaniyang asawa na si Alister Kurzer sa isang Christian site, at kamuntikan pa itong madismaya dahil napagkamalan siyang nagpapanggap na artista.
“We met online. It was a Christian site, it was a ministry for him when he was there. It was a Christian social networking,” kuwento ni Jewel sa panayam sa kaniya ni Paolo Contis sa “Just In.”
Ayon kay Jewel, nagsisilbi si Alister bilang isang counselor online.
“He was there to pray for people or whoever needs counseling. Ako naman nag-join lang ako kasi honestly curious lang ako noong time na ‘yon. We started talking kasi I bumped into his testimony about Christian life and then na-moved ako. I messaged him, I said ‘I love how you love God.’ Tapos doon kami nag-start mag-usap,” kuwento ng aktres.
Gayunman, hindi agad sinabi ni Jewel na isa siyang aktres sa Pilipinas.
“He had no idea for the first, two or three months, about my showbiz life noong nagkausap kami,” ani Jewel.
“Noong umpisa, hindi ko lang talaga sinabi sa kaniya kasi magkaibigan lang naman kami, I always love our faith-filled conversations, we have the same values. Hindi ko naman in-expect na mauuwi sa mas seryoso so hindi ko binanggit noong umpisa,” paliwanag pa niya.
Bukod dito, hindi rin sila nag-video call o nag-usap sa telepono, at napagkasunduang sa personal na sila magkita para magkaroon ng “element of surprise.”
“Hindi nag-video call, hindi kami nagkarinigan ng boses. We have over like 30,000 conversations, e-mails, Viber,” pag-alala ni Jewel.
Hanggang sa nagsimulang magkainteres sina Alister at Jewel sa isa’t isa.
“He knew everything about me besides that, he liked me. He was interested for who I was. Wala siyang ibang impression na, ‘Uy artista,’” kuwento ni Jewel.
“Noong alam ko nang nagiging seryoso and na-realize ko na, ‘Ay, I like this man potentially to be a partner in life’ and siya rin. Binabalak ko nang sabihin sa kaniya ‘yung part na ‘yun bago siya umuwi ng Pilipinas para alam man lang niya, hindi siya uuwi rito na magugulat siya na very visible pa ako, active sa showbiz,” pagpapatuloy niya.
Handa nang sabihin ni Jewel ang tungkol sa kaniyang pagiging artista, nang hanapin siya ng best friend ni Alister sa Google. Ibang apelyido pa ang ginamit ni Jewel noon kaya hindi siya na-search online.
“Walang lumabas sa ‘Jewel’ na binigay kong apelyido. So ang ginawa niya ‘Jewel pilot Philippines.’ Kasi sabi niya ‘Surely there’s not a lot of lady pilots in the Philippines,’” ani Jewel, na nag-pilot school noon.
“Ginoogle (Google) niya ‘yung ‘Jewel pilot Philippines,’ tapos doon lumabas lahat ‘yung information about me. He was so shocked,” kuwento niya.
Dahil dito, inakala ni Alister na isa lamang poser si Jewel para sa tunay na Jewel Mische.
“He thought ‘Oh my gosh natagpuan ko ‘yung Christian girl na gusto ko, na-in love na ako sa babaeng ito. ‘Yun pala she’s just a pretender,’” sabi raw noon ni Alister. “He said ‘I felt so sick.’ Gusto raw niyang umuwi from work kasi talagang he was dizzy, ‘What did I just do? I was a fool,’” patuloy pa ni Jewel.
Pero payo ng bestfriend ni Alister sa kaniya, “‘Huwag, maybe it’s really her. Hintayin mo lang. Maybe she has a reason na hindi niya sinabi sa ‘yo.’”
Binigyan ni Alister si Jewel ng panahon para buksan ang usapan tungkol sa kaniyang pagiging artista.
“He gave me time, hindi niya ako kinononfront (confront) na, ‘Bakit mo ako niloko? Ikaw ba talaga ‘yan? Sino ‘to?’ Walang ganu’n. He waited for me.”
Isang linggo matapos nito, hinanda na si Jewel ang sarili na sabihin kay Alister ang kaniyang pagkatao bilang isang artista.
Sinabi naman ni Alister na handa na rin daw itong pakasalan ang babaeng kaniyang nakausap sa online, maging si Jewel man ito o babaeng poser lamang ni Jewel, basta tunay ang pananampalataya sa Panginoon.
“Sabi niya at that point when he was praying. Sinabi niya na he’s decided na as long as genuine ‘yung pagkatao niya and ‘yung faith niya kay Lord, kahit sino pa ang makita niya sa person, whoever shows up sa airport, as long as she’s not a man, I’ll marry this person,” ayon kay Jewel.
Ikinasal sina Jewel at Alister noong 2015. May tatlo silang anak, sina Emerald, Aislah at Yzbel Quinn.-- FRJ, GMA Integrated News