Very talented at mabait na bata para kay Marco Sison ang kaniyang apo na si Andrei Sison na pumanaw nitong nakaraang buwan dahil sa car accident.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, hindi maiwasan ni Marco na manghinayang sa maagang pagpanaw ng kaniyang apo na kabilang sana sa mga teen artist na ilulunsad ng Sparkle GMA Artist Center ngayong buwan.
Kasama ni Andrei ang dalawang kaibigan na nasawi nang maaksidente ang sinasakyan nilang kotse noong Marso 24.
“He's so full of life, di ba? So promising, so talented and then wala lang. Hanggang dun lang. Hindi man lang niya naranasan yung sarap ng buhay ng isang tao,” saad ni Marco.
Ikinuwento rin OPM singer na nakaligtas noong bata pa si Andrei sa pagkahulog mula sa ikatlong palapag ng tinutuluyang condo ng kaniyang mga magulang.
“Nahulog iyan sa third floor ng condo na tinutuluyan nila. Walang nangyari sa kanya and then eto, sakay ka ng kotse, naka-seatbelt ka…Lahat ng proteksyon. Airbag, everything,” ani Marco.
Binalikan din niya ang biruan nila palagi ng kaniyang apo.
"Lagi niyang sinasabi yung ano mas pogi raw siya sa akin. Sabi ko wala kang karapatang magsalita ng ganyan kasi ako ang original. Lahat kayo galing sa akin,” natatawa niyang pag-alaala.
Gayunman, nag-aalala si Marco sa kaniyang anak na si Alain Marco Salvador [ama ni Andrei], na labis na naapektuhan sa nangyari.
“Kasi it's not a normal thing, di ba? Siyempre, usually the parent moves on first, not the kid so as a father, I was worried more siyempre…kay Alain,” ani Marco. --FRJ, GMA Integrated News