Inilahad ni Rochelle Pangilinan na malaking tulong ang kaniyang galing sa pagsasayaw kaya siya natutong umarte at kalauna’y mag-transition sa pag-aartista.
“Sa totoo lang ‘yung pagsasayaw malaking tulong sa pag-arte,” sabi ni Rochelle sa “Updated with Nelson Canlas” podcast.
“Nakatulong siya, ‘yung pagsasayaw. Kasi ‘yung timing, lahat, same rin siya ng pag-arte. Sa pag-arte may role kang kailangang gampanan. Ganu’n din naman sa pagsasayaw, puwede kang maging sad, kung sad ang gusto mo, puwede kang sumayaw ng contemporary. Kung masaya ka naman, masayahin ang role mo, puwede ka namang mag hip-hop,” pagkumpara ni Rochelle sa dalawang larangan.
“Medyo pareho siya. Malaking tulong sa akin ‘yung pagsasayaw hanggang sa makarating ako sa pagiging artista,” dagdag niya. “‘Yung timing and kung paano mag-deliver ng lines, big help siya. Hindi ako masyadong nahirapan.”
Matatandaang mula sa pagiging dancer, nagkaroon din ng sariling drama anthology ang SexBomb Girls na "Daisy Siete" mula 2003 hanggang 2010.
Hanggang sa napanood na rin siya sa iba't ibang mga serye sa Kapuso Network, kabilang ang Darna (2005 at 2009), Amaya (2011), at Encantadia (2016).
Bida siya ngayon sa Kapuso series na "Mga Lihim ni Urduja."
Kaya naman flattered si Rochelle nang tawagin siya ni Nelson at ng ibang tao bilang isang aktres.
“Sorry beh ah, kinikilig ako noong sinabi mong ‘Aktres ka.’ Wow, thank you!” natatawa niyang sabi. —VBL, GMA Integrated News