Binalikan ni Amy Austria ang hirap na kaniyang pinagdaanan nang malulong siya noon sa bawal na gamot. Mariin niyang payo sa mga kabataan, huwag nang subukan ang masamang bisyo dahil wala itong maidudulot na mabuti o maganda.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, sinariwa ni Amy nang pumasok siya sa naturang bisyo noong dekada 80s.
"Umpisa. Bata ka, mayabang ka, Sa school noon, ay yosi-yosi sila, gusto mo lang maki-belong. I-try mo 'yung damo, okay. I-try mo 'yung ganito. 'Ayoko na.' I-try ko 'yung ganito, 'Ayoko na.' Wala lang, para masabi mo lang na, 'Ah 'yun pala 'yon, naiintindihan ko na,'" kuwento ng veteran actress.
Habang subukan na ni Amy ang iba pang ipinagbabawal na gamot, hanggang sa unti-unti na siyang nalulong.
"Pero noong pagdating kasi roon sa shabu, 'yon 'yung try mo lang, biglang, ito na, hindi mo na siya ma-stop and it's very deceiving kasi akala mo nagagawa mo nang normal pa rin. Nakakagawa ka pa rin, nakakapagtrabaho ka pa rin, pero hindi mo alam unti-unti kang lumulubog, unti-unti kang nawawala sa huwisyo mo. Unti-unti kang mali na 'yung desisyon mo, nade-deceive ka na. Pati 'yung paniniwala mo naiiba na," kuwento niya.
Hindi naging madali ang pinagdaanan ni Amy, ngunit sinubukan niyang ibalik ang kaniyang tiwala sa Maykapal.
"Si Lord lang talaga. 'Yung six years kong tina-try, sabi ko kay Christopher de Leon, gusto ko uling mag-retreat," paglalahad niya.
"Three days 'yung retreat. Sabi ko lang sa Kaniya, 'Lord tanggalin mo ito, hindi ko kaya. I admit hindi ko kaya. Alam Mo itong six years ko na tina-try alisin, hindi ko kaya. Tulog ako nang tulog, ayoko nang matulog, masakit na ang ulo ko. Kain ako nang kain, ang taba-taba ko. Ayoko na. Sabi ko 'I surrender,'" patuloy ni Amy.
"Pag-uwi ko ng bahay after that retreat, wala na. 'Yung six years kong trying on my own na kakayahan, ganu'n (three days) lang. Ibinigay ko. Sabi ko 'Help me, ayusin mo ang buhay ko. I-computerize mo, i-program mo. Ikaw na ang bahala kung saan ako pupunta, kung sino ang taong kakausapin ko, Ikaw na. 'Yung dapat mapunta sa buhay ko, 'yung hindi dapat huwag Mo paratingin.' I think that's the first time talagang I surrendered my life to Him," patuloy niya.
"Since then, umayos lahat, gumanda lahat, smooth lahat, nalagay sa tamang puwesto ang lahat. 'Yung mga dating ganito umayos. HIndi mo akalain na mangyayari sa buhay ko na hindi ko pinapangarap, 'yung sobra pa sa naiisip ko inaakala ko, inaasahan ko," sabi pa ng aktres.
Dahil sa kaniyang karanasan, nagpayo si Amy sa mga kabataan na iwasan ang bawal na gamot.
"Huwag ninyong subukan kasi hindi ganoon kadali," payo ni Amy na napapanood sa GMA series na "Hearts on Ice."
"Katulad ko noon, six years I tried to stop. Ang tagal pero hindi ko talaga kaya, hindi talaga. Ang daming nasayang, ang daming nasira," dagdag pa niya.
Sabi pa ng aktres, hindi dapat tahakin ng mga kabataan ang maling landas na tinahak niya noon dahil: "Walang maidudulot na mabuti , walang magagawang maganda. Huwag mong sayangin." -- FRJ, GMA Integrated News