Inihayag ni Radson Flores na nakaramdam siya ng matinding pressure sa kaniyang biggest break sa pagganap niya bilang si Mark Gordon sa upcoming live action adaptation na “Voltes V: Legacy.”
“It was an insane pressure talaga, especially sa first lock-in po namin sa Voltes V,” sabi ni Radson sa “Fast Talk with Boy Abunda."
"Although nakapag-workshops naman po ako and natulungan naman po ako ng acting coach po namin, ‘yung horseback riding lessons para maka-in character. ‘Pag napunta na po kayo sa set tapos baguhan kayo, merong ibang klaseng feeling talaga eh. It feels like you’re carrying the weight of the world,” pagpapatuloy ng 23-anyos na aktor.
Inilahad din ni Radson na may pagkakataong hindi niya naibigay ang kaniyang best performance kaya kinausap siya ng GMA bosses at binigyan ng motibasyon.
“After po talaga nu’n grabe po ‘yung motivation na ibinigay nila sa akin. May mga sinabi sila sa akin na nakatulong po talaga nang sobra. And after po ng talk with the bosses, I was very thankful po sa kanila, kasi grabe po ‘yung confidence ko ngayon, grabe ang in-improve ko sa acting and pakikitungo with the people around me.”
Para maranasan ang adult life, bumukod din si Radson sa kaniyang mga magulang.
“Growing up I was really sheltered ng parents ko. Na-feel ko po na parang wala akong masyadong experience in the real life. I feel like hindi pa ako naha-humble masyado ng totoong buhay. Pagdating sa bills, sa chores, every day ‘yung gigising ka, magluluto ka.”
Ginamit ni Radson ang kaniyang karanasan para ma-motivate sa kaniyang mga eksena sa Voltes V: Legacy.
“Usually kapag heavy scenes ko po ito nagagawa. Parallel po siya sa experience ko when I’m living alone. Maalala ko pa lang na kailangan kong bayaran ‘yung kuryente, ‘yung rent,” natatawang biro ni Radson sa sarili. — VBL, GMA Integrated News