Inihayag ni Rochelle Pangilinan na hindi totoong nagkaroon ng mga away noon sa “SexBomb” kaya siya umalis. Sinabi rin nyang hindi totoo na ayaw na niyang maiugnay ang pangalan niya sa all-female dance group.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy si Rochelle kung nagkaroon ng mga pag-aaway noon sa grupo.
“Wala po eh,” sagot ni Rochelle.
“Ang ginawa ko po sa SexBomb noon, sinabi ko sa kanila na ‘Mauna na kayo. Kung gusto niyo nang umalis, sige mauna na kayo.’ Kasi gusto kong i-settle muna si Ate Joy (Cancio), huwag muna siyang iwan,” dagdag ng dancer-actress.
Ayon kay Rochelle, nagsimula nang mag-iba ang mga prayoridad noon ng SexBomb Girls.
“After one year, doon na ako nagpaalam kay Ate Joy. Maayos ‘yung pagpapaalam ko sa kaniya na ‘Ate Joy tingin ko kailangan ko na ring makita ang labas ng SexBomb.”
Hindi naging madali para kay Rochelle ang lisanin ang SexBomb.
“Mahirap din siya sa start na ako lang, pero nakasanayan ko rin siya.”
“Was there a time na diumano’y ayaw mong itabi ang pangalan mo sa SexBomb?” tanong ni Tito Boy.
“Naku hindi po,” tugon ni Rochelle.
“Hindi naman kasi, mas gusto ko nga kami sanang mag-reunion. Bago ikasal, gusto ko magkasama-sama muna kaming sumayaw muna nang buo. Kasi itong grupo na ito dito ako nakilala, dito ako nagsimula, dito talaga eh, sa Eat Bulaga,” saad niya.
“Sila talaga ‘yung ‘pag sumayaw ako nang buo kasama sila, ‘yung pwede na akong mag-settle,” dagdag ni Rochelle.
Ipinakilala ang all female dance group na "SexBomb" noong 2000, na nagpasikat ng kanilang dance moves at mga kanta. Kabilang dito ang "Bakit Papa?" at "Spaghetti Song."
Nagkaroon din sila ng drama series na "Daisy Siete."
Taong 2007 nang umalis si Rochelle sa Sexbomb para tahakin ang sarili niyang career, at naglabas ng sarili niyang album na "Roc-a-holic" at ipinakita rin ang talento niya sa pag-rap.
Sa kasalukuyan, isa nang butihing ina si Rochelle kay Baby Shiloh, ang anak nila ng kaniyang mister na si Arthur Solinap.—LDF, GMA Integrated News