Nagkita na rin sa wakas ang OG Sexbomb member na si Jopay Paguia at ang bandang Mayonnaise, na lumikha ng awiting "Jopay," na sikat ulit ngayon.

Nangyari ang pagtatagpo sa isang concert ng Mayonnaise sa Lucena, Quezon, na bahagi ng 20th-anniversary tour ng banda.

Sa video na ipinost ng fan online, umakyat sa stage si Jopay at ikinuwento ng Mayonnaise kung paano naging insipirasyon ang OG Sexbomb dancer sa pagkakagawa ng nabanggit na awitin.

Nag-post din si Jopay sa Instagram ng pambihirang pagtatagpo nila ng banda, at nilagyan niya ng caption na, “FINALLY!!!”

 

 

Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Monty Macalinao, gumawa ng kanta, na naisipan niyang isulat ang “Jopay” noong 2003 matapos niyang makita na umiiyak si Jopay sa Lenten special ng “Eat Bulaga!”

ALAMIN: Mayonnaise, bakit nga ba ginawa ang kantang 'Jopay'; at bakit wala si Jopay sa music video nito?

Ipinaabot ni Monty ang demo taped ng kanta kay Jopay pero hindi niya personal na nakakaharap ang dancer.

Nang gawan ng music video ang naturang kanta, wala si Jopay at anino lang ng isang babaeng nagsasayaw ang makikita.

Ayon kay Jopay, dapat kasama siya music video pero busy noon sa mga show ang kanilang grupo.

Taong 2005 nang unang ilabas sa publiko at sumikat ang awitin. Muli itong nag-viral kamakailan dahil sa kakaibang bersiyon na ginawa sa TikTok ni Kosang Marlon.-- FRJ, GMA Integrated News