Kusang iniurong ng distributor ang pagpapalabas sa Pilipinas ng pelikulang "Plane," kaugnay na rin sa puna rito ng ilang senador dahil magbibigay umano ng masamang imahe sa bansa.

Kamakailan lang, hiniling ni Senador Robin Padilla called sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na i-ban ang naturang pelikula sa bansa dahil ginamit na setting ang Jolo, Sulu kung saan binihag ng mga terorisya ang ilang dayuhan.

Sa pahayag ng MTRCB na pirmado ni chairperson Lala Sotto Antonio, sinabi na, "the Board was in the process of re-evaluating the film 'Plane' in response to the objections raised by concerned groups," pero kusa na umano itong iniurong ng film distributor na Screen Media Films Co.).

Natanggap na umano ng MTRCB ang abiso mula sa film distributor.

Idinagdag ng MTRCB, na plano ng distributor na magbigay ng "new version of the film for appropriate review and classification."

Sa pelikula, gumaganap ang bida na si Gerard Butler ("300") na isang piloto at mapipilitan itong mag-landing sa bahagi ng Pilipinas dahil sa bagyo.

Mabibihag ng mga terorista ang mga pasahero at ililigtas ito ni Butler. Kasama rin sa pelikula sina Mike Colter ("Luke Cage") at Tony Goldwyn ("Scandal"). — FRJ, GMA Integrated News