Napayakap at naiyak kina Jose Manalo at Wally Bayola ang magbilas na lola na nangangalakal ng plastic nang bigyan nila ito ng malaking biyaya habang nagpapahinga sa bangketa.
Nasa segment na "Juan For All, All For Juan" ng "Eat Bulaga" sina Jose at Wally sa Pandacan, Maynila, nang makita nila na nakasalampak sa gilid ng bangketa sina lola Elpidia, 61-anyos, at lola Josephine, 69.
Napag-alaman na residente sa Sta. Mesa ang dalawang lola na pareho na ring biyuda, at nagpapahinga lamang ng sandaling iyon mula sa pamumulot ng plastic na maaari nilang ibenta.
Ayon kay lola Elpidia, iniipon nila ang napupulot na plastic. Sa isang araw kung marami silang napulot, kumikita sila ng kulang-kulang sa P500.
Para umuwi na nang araw na iyon at makapag-isip ng ibang puwedeng pagkakitaan, binigyan ng Eat Bulaga sa pamamagitan nina Jose at Wally, ng tig-P10,000 ang dalawang lola.
Dahil sa hindi nila inaasahan na malaking biyaya, naiyak at napayakap ang dalawang lola kina Jose at Wally.
Ayon sa dalawang lola, gagamitin nila ang pera para makapagtinda upang hindi na sila maglalakad nang malayo sa pangangalakal ng plastic.
--FRJ, GMA Integrated News