Ipinaliwanag ni Rabiya Mateo na sumagot lamang siya bilang tao na nakaramdam din ng lungkot nang patulan niya ang isang basher na sumisi sa kaniya sa pagkabigo ni Celeste Cortesi na pambato ng Pilipinas sa Miss Universe 2022.
“She’s a good friend talaga Tito Boy and during that time, I will be honest, iba ‘yung pakiramdam ko. I thought she was gonna win, kasi malakas siya for me,” kuwento ni Rabiya sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
Kaya naman nag-post si Rabiya ng mensahe ng pagsuporta kay Celeste na may caption: “5th Crown na ['to] for the country!”
Ngunit nang hindi pinalad si Celeste, dito na nagsimulang i-bash ang post ni Rabiya ng ilang netizens.
“People were bashing my post na ‘Ikaw kasi malas ka! Jininx (jinx) mo,’” pag-alala ni Rabiya.
"During that time, to be honest I was so exhausted, pagod din ako. Emotional din ako, malungkot din ako sa nangyari sa kaibigan ko. So sumagot ako, which is ako bilang tao lang,” paliwanag ni Rabiya.
Pero kung nangyari umano iyon sa ibang araw, hindi na raw papatulan ni Rabiya ang basher.
“If it was a different day, siguro hindi ko na siya pinansin. Pero during that day, iba eh, iba ‘yung tama sa akin,” dagdag niya.
Natuklasan ni Rabiya na isang guro ang kaniyang basher nang suriin niya ang profile nito.
"'Yung language niya it’s in-appropriate. During that time, I wanted to correct her na, kahit hindi ka teacher sa social media mo you should act right," anang beauty queen.
Natatawa naman si Rabiya na marami na rin siyang pinatulang basher. "For example kapag galing sa totoong account nila, usually doon ako napapasagot."
"Pero natutunan ko na rin Tito Boy to let it go eh, kasi sila when they say something about you, tuwing gabi nakakatulog sila without thinking that act. So bakit mo hahayaan ‘yun maapektuhan ka?,” patuloy niya.
Inilahad ni Rabiya ang kaniyang natutunan tungkol sa insidente.
"'Ano naman ang hugot niya? Anong kasalanan ko sa kaniya?' But hindi talaga siya worthy ng time mo, and for my mental peace and for my mental health, hindi na lang ako tumitingin. Kung alam kong maaapektuhan ako, hindi mag-o-open ng phone," ayon kay Rabiya.--FRJ, GMA Integrated News