Nagbabalik ang 80s tambalan nina Lotlot de Leon at Ramon Christopher para sa upcoming Kapuso series na "The Write One."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kasama sina Lotlot at Ramon sa mga ipinakilala sa story conference ng series, kasama rin ang real-life sweethearts na sina Bianca Umali at Ruru Madrid, at Mikee Quintos at Paul Salas.
Ang "The Write One" ang unang collab ng GMA at Viu na ipo-produce ng GMA Public Affairs.
Inamin ni Bianca na naninibago siyang unang beses niyang makakatrabaho si Ruru.
"Sanay kami na na kaming dalawa ang pahingahan ng isa't isa eh. Hindi kami sanay na kaming dalawa 'yung trabaho ng isa't isa, and things are gonna change," sabi ni Bianca.
Samantala, nagkatrabaho na sina Mikee at Paul sa "The Lost Recipe" ng GMA Public Affairs pero hindi sila magkatambal.
"Promise na talagang gagawin namin ang best namin dito," sabi ni Paul.
"It's something new for me, but that jump also comforted with the fact na ito ang ensemble na kasama ko," sabi ni Mikee.
"Ang sarap din katrabaho ng Public Affairs kasi makikita mo 'yung growth na magkakasama kayong lahat eh," sabi ni Ruru.
Kasama rin sa cast sina Yvette Sanchez, Kaloy Tingcungco, Royce Cabrera, Kokoy de Santos, Mon Confiado, Alma Concepcion, Art Acuna, Analyn Barro, at Euwenn Mikael.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News