Inihayag ni Marian Rivera na plano na nila ni Dingdong Dantes na ipaalam nang buo sa panganay nilang si Zia ang tungkol sa kanilang buhay pag-aartista.

Sa podcast na Updated with Nelson Canlas, natanong si Marian kung alam na nina Zia at Sixto na sikat ang kanilang mga magulang.

“Siguro dumating kami sa punto ni Dong, bilang seven years old na si Zia, siguro dapat na niyang malaman din, although alam naman niya artista kami,” pagbabahagi ni Marian.

Sa murang edad, nakakasama na si Zia sa mga shooting nina Marian at Dingdong para sa mga TVC.

Nagkaroon din ng pagkakataon si Zia na mabisita ang kaniyang mga magulang sa set ng kanilang series na "Jose & Maria's Bonggang Villa."

“Nag-usap kami ni Dong, sabi namin, siguro it's about time na malaman talaga ni Zia kung saan talaga nagmula," anang Kapuso Primetime Queen.

"Very proud kami ni Dong na ito ang trabahong pinili namin, kasi dahil sa trabahong ito nagkakilala kaming dalawa, na-build namin 'yung dream house namin, na-extend namin sa mga mahal namin sa buhay 'yung happiness na meron kami, so very proud kami dito ni Dong. Kaya sabi siguro ni Dong, it's about time, ipunta natin sa GMA si Zia para sabihin nating ito 'yung network namin,” dagdag ni Marian.

Sa edad 3, maging si Sixto ay nakikita na ang trabaho ng kaniyang mga magulang, lalo na sa bahay kung may shooting at may mga camera.

“At a right age lang siguro si Sixto na maipaliwanag, like Zia, seven years old. 'Yung age niya is enough na para mas maintindihan kung ano ang work,” sabi ni Marian.

At kapag naiintriga, hindi na rin maiwasan ni Zia na magtanong-tanong sa kaniyang mga magulang.

“[Sinasama] namin siya sa ‘Bonggang Villa’ taping so may idea na siya kung ano ibig sabihin ng pag-aartista, ano ibig sabihin ng ito si direk, ito 'yung camera, ito 'yung characters. Siguro 'yun 'yung step one namin na sa maisama namin siya sa mga trabaho para makapag-observe siya.” —LBG, GMA Integrated News