Inalala ni Yasmien Kurdi ang ilan sa mga ginawa niyang paraan para makapasok sa showbiz, tulad ng pabalik-balik na paglalakad sa harap ng GMA Network sa pagbabakasakaling may makapansin sa kaniya at kunin siyang mag-artista.
Sa podcast na Updated with Nelson Canlas, binalikan ni Yasmien na gusto na niyang mag-artista kahit noong bata pa lamang. Nahubog umano ito dahil sa hilig niya sa panonood ng mga Pinoy drama.
"Ginagaya ko 'yung mga dialogue. Lagi akong humaharap sa salamin noong eight years old ako, gagayahin ko 'yung dialogue nila with matching luha luha pa 'yan," kuwento ni Yasmien.
"Nakatira kasi ako during that time sa Kuwait noong bata ako, laging sinasabi sa akin ng mga OFW na 'Ang gandang bata. Pag-uwi mo sa Pilipinas mag-artista ka'," dagdag ng aktres tungkol sa laging sinasabi sa kaniya ng mga Pinoy doon.
Tumatak ito sa isipan ni Yasmien kaya naman pag-uwi sa Pilipinas, itinuloy na niya ang pag-aartista. Sumalang siya sa mga audition, modelling, at commercial.
Isa sa mga balak niyang pasukan ang Kapuso Network.
"Sa GMA, ang ginagawa ko po naglalakad ako sa harap ng GMA. Cross ako nang cross sa pedestrian road, cross ako, cross na naman ako pabalik na naman, tina-try kong [mapansin]. Sabi ko, baka may taga-GMA, ma-discover nila ako tapos kunin nila ako bilang artista," kuwento ng Start-Up PH actress.
"Narealize ko, hindi naman pala gano'n ang paraan para mag-artista ka. Kailangan talaga mag-audition ka nang maayos. Hindi naman pwede 'yung maglalakad ka doon," sabi ni Yasmien.
Bukod rito, pumipila rin siya ng 5 a.m. sa Eat Bulaga para makapasok sa studio.
"Pinaakyat nila ako sa stage, so ako naman tuwang tuwa ako. 'Hala pinaakyat ako dito...' Ginamit lang pala ako pang-adjust ng camera. Sabi ko 'Sana ma-discover na nila ako sabihin nila 'Pwede ka bang maging artista?' Hindi naman nila ako tinanong," kuwento ni Yasmien.
Kamuntikan ding sumuko si Yasmien sa kaniyang pangarap, dahil nakakasama siya noon sa final casting pero hindi nakukuha.
"'Yung hirap, pagod, gastos, lahat, para lang makuha mo 'yung project, tapos hindi mo rin pala makukuha at the end. So talagang masakit," sabi niya.
Sumali si Yasmien sa pinakaunang season ng StarStruck noong 2003, at itinanghal na First Princess. Kasabayan niya sina Jennylyn Mercado, Mark Herras, Rainier Castillo, Katrina Halili, Dion Ignacio, at marami pang iba.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News