Top two trending sa YouTube Philippines para sa 2022 ang kunwaring pag-away ni Bianca Umali kay Ruru Madrid para i-prank nila si Buboy Villar.

Sa isang vlog na na-upload noong Hulyo, mapapanood ang paglalaro nina Ruru at Buboy ng “Jojowain o Totropahin” challenge sa isang paresan habang kumakain din si Bianca sa gilid at tila nakikinig.

“Jojowain” ang sinagot ni Ruru sa halos lahat ng babae na tinanong sa kaniya ni Buboy, kaya nairita si Bianca at binato sila ng mangkok bago umalis ang dalaga.

To the rescue naman si Buboy kay Ruru, na todo-paliwanag kay Bianca.

Ilang saglit pa, inihayag na nina Bianca at Ruru na prank lamang ang kanilang away sa tila nanginginig na si Buboy.

Mayroon na ngayong 8.4 milyong views, 82,000 likes at halos 2,000 comments ang video.

Samantala, top trending ang “Aswang sa Probinsya 2,” na animated horror story ng Kristories YouTube channel.

Kasama rin sa Top 10 ang mga video nina Cong TV, Viy Cortez, Ivana Alawi, Vice Ganda, Geo Ong, Kei Nine at Zeinab Harake. —LBG, GMA Integrated News