Makasaysayan ang tagumpay ni Dolly de Leon na naging kauna-unahang Pinay na nakakuha ng nominasyon bilang Best Supporting Actress sa Golden Globe Awards.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras, sinabing ang nominasyon ay para sa karakter niyang si Abigail para sa “Triangle of Sadness.”
Si Abigail ang palabang toilet manager na naging leader ng mga nakaligtas ng lumubog na luxury cruise ship.
"Thank you to the Hollywood Foreign Press, thank you to the Golden Globe for including me in that very short list of very, very talented supporting actresses. It is such an honor to be part of the prestigious list. Thank you so much!" mensahe ni Dolly sa award-giving body.
Kasamang nominado ni Dolly sina Angela Bassett para sa “Black Panther: Wakanda Forever,” Kerry Condon para sa “The Banshees of Inisherin,” Jamie Lee Curtis para sa “Everything Everywhere All At Once,” at Carey Mulligan para sa“She Said.”
Nominado rin ang “Triangle of Sadness" bilang Best Motion Picture-Musical or Comedy sa Golden Globe, na sa Enero 2023 ang awarding ceremony.
Bago nito, panalo rin si Dolly bilang 2022 Los Angeles Films Critics Association Awards for Best Supporting Performance.
Nominado rin si Dolly bilang Best Supporting Actress sa ika-27 Satellite Awards ng International Press Academy sa US.
Natanggap ni Dolly ang sunod-sunod na nominasyon matapos magwagi ang “Triangle of Sadness” ng Palme d'Or, ang pinakamataas na award ng Cannes Film Festival, kung saan nakatanggap din ng rave reviews ang kaniyang pagganap.
“30 years na akong umaarte at naranasan ko nang mag-extra, ‘yung mga karakter na walang linya, ‘yung mga karakter na walang pangalan. Ina-appreciate ko pa rin ‘yung little things in life. Kasi kung hindi dahil doon sa lahat ng paghihirap na pinagdaanan ko, hindi ako magiging kung sino ako ngayon,” sabi ni Dolly.
May manager at agent na ngayon si Dolly sa Amerika, at abala sa paggawa ng pelikula. —LBG, GMA Integrated News