Kilala sa kaniyang angking ganda at kaseksihan, inihayag ni Faith Da Silva na hindi ito sapat para makapasok sa showbiz, dahil kailangang may talento rin at pursigido ang isang naghahangad na maging artista.

Isa si Faith sa guest choices sa Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga" nitong Lunes tungkol sa mga dalawa o higit pang beses na sumali sa contest sa TV pero hindi naging grand winner.

Pero sa kaso ni Faith, isang beses lamang siyang sumali sa "Starstruck Season 6" noong 2015 at ito na ang naging daan niya sa pag-aartista.

Ayon kay Faith, nakapasok pa siya sa Top 14, pero hindi na siya nakaabot sa Top 12.

Mula sa 50 contestants ng reality show, unti-unting silang nabawasan dahil sa kakulitan o hindi nakadadalo ng workshops, samantalang nagba-backout ang iba dahil sa gastos.

Kuwento ni Faith, edad 14 lamang siya noon at naninirahan sa Laguna at kinailangan niyang mag-commute halos araw-araw papunta sa Quezon City dahil wala silang kotse.

"Noong una, si mama sinasamahan ako tsaka 'yung kapatid ko. Pero siyempre may sari-sarili din silang buhay nila," anang "Unica Hija" actress.

Kaya naman natuto si Faith na tumayo sa sariling mga paa.

"So ako ang sabi ko 'Kaya ko 'yung sarili ko. So nag-MRT ako, nagdyi-jeep ako, minsan nga naglalakad pa ako kasi ayokong nale-late."

Dahil dito, maraming natutunan si Faith sa buhay sa mura niyang edad.

"At that time I was still so young, 'yung priorities ko in life hindi pa 'yon. Parang I just wanted to have fun. Pero hindi nga rin ako makapag-have fun masyado kasi nga wala akong pampondo sa mga bagay na gusto kong gawin. At saka ayokong mandamay ng ibang tao like family ko," sabi niya.

"After the show, doon talaga na-open up 'yung heart ko na 'Uy this pagiging artista, masaya pala siya,'" dagdag ni Faith.

Ayon sa aktres, hindi sapat ang pisikal na hitsura kundi dapat determinado rin ang isang naghahangad na pumasok sa entertainment industry.

"At saka hindi lang din pala siya 'yung laro-laro lang na, akala mo maganda ka lang. Kailangan may talent ka, kailangan focused ka. Tsaka kailangan gusto mo talaga 'yung ginagawa mo," sabi ni Faith. — VBL, GMA Integrated News