Inihayag ni Herlene Budol na nagkaroon siya ng alopecia dulot ng stress noong maging kandidata para sa Binibining Pilipinas 2022.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabi ni Herlene sa podcast na "Updated with Nelson Canlas" na nagpatingin na siya sa doktor tungkol sa kaniyang kondisyon.

"Nagka-alopecia po akong malaki... Masaya naman ako doon sa Binibini. Pero siyempre 'yung pressure, 'yung wala kang kaalam-alam, sobrang bobo mo roon sa ibang bagay," saad ng beauty queen.

"Malala talaga noon. Mahigit pa sa triple 'yung effort na binigay ko po noon talaga. Kasi first time ko mag-seryoso sa gano'n," dagdag ni Herlene.

Ayon naman kay Herlene sa podcast, lumala pa ang kaniyang kondisyon sa pagpanaw ng kaniyang lola, at sa bangungot na naranasan sa Miss Planet International 2022.

"Nagka-alopecia ako. Dati maliit lang ito kaya ngayon nagulat ako. Nadagdagan 'yan ng Africa. Tapos 'di ako matae. 'Yon pala stress."

"Tapos hindi ako nakakatulog. Hindi ako nakakatulog nang walang iniinom na [melatonin]," dagdag ni Herlene. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News