Inihayag ni Ken Chan na gustong-gusto na niyang magkaroon ng love life pero ipinaliwanag din niya kung bakit loveless pa rin siya ngayon.

"Gusto ko na talaga. Gustong gusto ko na," sabi ni Ken sa podcast na Updated With Nelson Canlas nang tanungin kung may oras pa ba siya sa buhay pag-ibig.

"Kuya Nelson maniwala ka sa hindi, gusto ko na talaga. But grabe, ano eh, totoo pala 'yon, na kapag unti-unti mong natutupad 'yong pangarap mo sa buhay, 'yong goals mo na nandiyan na sila sa harapan mo, hindi naman sa hindi mo na kailangan pero hindi mo hinahanap. Hindi mo hinahanap o wala kang time," saad niya.

Ayon kay Ken, natutunan niya na huwag hanapin ang pag-ibig dahil kusa itong darating.

"Kasi 'yan isa kong natutunan sa love. Sa love kasi ang natutunan ko don't look for love, just wait for it, darating yan sa'yo. Ako kasi 'yong tao na kapag nagmahal ako at pumasok ako sa isang relationship I make sure na 100% kong maibibigay 'yong time ko," paliwanag niya.

Bukod sa pagiging artista, mayroon pang mga negosyong inaasikaso si Ken tulad ng gasoline station at kaniyang mga cafe.

Paghahanda na raw ito ni Ken kapag bumuo na siya ng sariling pamilya.

"Ginagawa ko 'to not only for my family, but also for myself. 'Pag sinabi kong for myself, for my future and for my future wife. And dahil gusto kong i-establish itong mga business na ginagawa ko ngayon, para pagdating ng isang tao na 'yon, right person para sa akin, mabigay ko sa kaniya 'yong buhay na gusto niya," sabi ni Ken.

"Mabigay ko sa kaniya 'yong pinapangarap ko na buhay para sa magiging pamilya ko, magiging asawa ko at magiging mga anak ko, para ready na. Para hindi na sila mahihirapan," dagdag pa ng aktor.--FRJ, GMA Integrated News