Inilahad ng Kapuso actress na si Carla Abellana ang hindi niya malilimutang horror story sa buhay niya na nangyari sa lumang bahay ng kaniyang lola.

Sa Kapuso Showbiz News, sinabi ni Carla na lumaki siya sa lumang bahay ng kaniyang lola, na bahagi ng kaniyang kabataan.

Kabilang sa mga hindi niya makalilimutan sa naturang bahay ay ang mga hindi maipaliwanag na pangyayari.

"Iba-iba. From sounds, o may nakikita, o  nararamdaman, naamoy, marami po 'yon du'n," saad ng aktres.

Pero ang isa sa pinaka-nakakatakot ayon kay Carla ay nang may nadinig siyang umiiyak isang madaling araw na malapit lang sa kaniyang higaan.

Kuwento niya, nasa tabi ng bintana ang kaniyang kama at nagising siya isang madaling araw na may tila umuungol at umiiyak na malapit lang sa kaniya mula sa labas ng bintana.

"Natakot po ako nu'n at the same time naawa. Maliit na boses lang po siya very high pitch. Tapos umiiyak siya," anang aktres.

Giit ni Carla, sigurado siya na hindi aso o pusa o kung anumang hayop ang nadinig niya.

"'Yon siguro yung pinaka-nakakatakot kasi ang lapit ko lang sa umiiyak na 'yon," dagdag pa ni Carla na mapapaanod sa next episode ng "Daig Kayo ng Lola Ko."--FRJ, GMA News