Ikinuwento ni Marc Pingris ang emosyonal na pagtatagpo nila ng kaniyang ama sa France na maraming taon na nawalay sa kanila ng kaniyang ina. Ang basketball player, nahanap ang tatay dahil sa pagpupursige ng asawa niyang si Danica Sotto.

Sa "Surprise Guest with Pia Arcangel," inilahad ni Marc na naiilang siya noon kapag tinanong tungkol sa kaniyang ama na lagi niyang isinasagot na "patay na."

"Ah wala, patay na.' 'Yun lang ang maisagot ko kasi 'yan lang din ang sagot sa akin ng mother ko. Ayaw siyang ikuwento ng mother ko eh. 'Basta ang sabihin mo kapag may nagtanong, patay na,'" sabi ni Marc. "Kaya ang hirap din ng mga pinagdaanan ko sa probinsya sa Pangasinan na talagang kapag may nagtatanong, 'Ah patay!' or minsan tinatawag akong ampon."

Dati na rin daw tinangka ng kaniyang ina na hanapin ang kaniyang ama sa French Embassy, pero hindi ito natuloy.

Nakatakda nang ikasal noon sina Marc at Danica nang magpasya si Danica na magpatulong sa tita nito sa Switzerland para dumulog sa French Embassy sa Pilipinas at magtanong tungkol sa ama ni Marc.

"Nagtanong sila, lahat yata ng Pingris sa France, talagang nag-email sila. Nagpatulong," saad ng dating PBA star.

Nakapagpadala raw sina Danica at ang tita nito ng nasa 100 na sulat sa iba't ibang taong may mga apelyidong Pingris sa France. Matapos ang isang buwan, may dumating na sulat na mula sa kapatid ng kaniyang tunay na ama.

"'Hi, alam ko kung nasaan ang dad mo' ganiyan ganiyan. Si Danica umiiyak but ako wala eh, wala akong nararamdaman. So kinuha ko 'yung sulat na 'yun, pinabasa ko sa mother ko tapos bigla siyang umiyak. And then 'yun, kinuwento niya na sa akin lahat kung ano 'yung nangyari," paglalahad niya.

Kalaunan, nakatanggap na rin si Marc ng sulat mula mismo sa kaniyang ama.

"One time, nagsulat na talaga 'yung father ko sa akin. Para sa akin wala, wala pa rin talaga akong maramdaman," patuloy niya.

Matapos nito, inaya ni Danica si Marc na lumipad sa France para makita na niya nang personal ang kaniyang ama na nagngangalang si Jean Marc Pingris Sr.

"Hanggang sabi ni Danica, 'Pagkatapos ng kasal natin pupunta tayo sa France para harapin ang dad mo.' 'Yon 'yung sinabi niya sa akin, but ako ayaw ko, ayaw ko. Pinilit lang talaga ako ni Danica that time. So na-convince niya naman ako. 'Oh sige, regalo mo na para sa kasal natin, punta tayo.' So papunta na kami, nasa Amsterdam na kami, umaayaw ulit ako, umaatras ulit ako, 'Balik na tayo ng Pinas, ayaw ko talaga,'" kuwento pa niya.

Pagdating sa France, dito na nakita ni Marc ang tunay niyang ama, at hindi nila naiwasang parehong maging emosyonal.

"Pagdating namin ng Paris, ayun na, nu'ng nakita ko siya, alam mo 'yung sama ng loob ko parang, first time, first time ko sa buong buhay ko na makayakap ng isang ama," aniya. "Wala akong nagawa kundi umiyak, at walang nagawa ang dad ko kundi umiyak din na tinatawag niya ako ng 'My son, my son, my son.'"

"26 years old ako nu'ng time na 'yon, bago ko naramdaman 'yung ganun. Ang sarap, sobrang sarap pala na mayakap mo 'yung tunay na ama mo," sabi pa ni Marc.

Hinikayat daw niya ang kaniyang ama na bumalik sa Pilipinas para makausap ang kaniyang ina at magpaliwanag.

Kuwento pa ni Marc, ikakasal na raw noon ang kaniyang ama sa ibang babae. Pero nagpasya ang babae na huwag ituloy ang kasal hangga't hindi naaayos ng ama ni Marc ang pamilya nito sa Pilipinas.

Hanggang sa makauwi rin ang kaniyang ama sa Pilipinas at nagkaroon ng pagkakataong magpaliwanag sa kaniyang ina.

"So pumunta 'yung dad ko rito, nag-usap ulit 'yung mother ko and dad ko. So ayun, nilabas ng [mother ko] ang sama ng loob. Para sa babae kasi masakit 'yan eh, ilang years na hindi ka pumunta, hindi ka nagpakita sa anak mo," patuloy ni Marc.

Mailalarawan ni Marc na mala-pelikula ang kaniyang buhay, nang madiskubre rin niyang hindi pala nakararating sa kaniyang ama ang mga sulat ng kaniyang ina para rito mula sa Pilipinas.

"Nu'ng na-assign si daddy ko sa Morocco, kasi wala pang cellphone dati eh, umuwi ng province 'yung mother ko, kasi every sulat niya hindi sumasagot 'yung dad ko. Ang dami niyang sulat talaga. 'Yun pala, 'yung mother ko, may kaibigan na babae na may gusto sa daddy ko na hindi hinuhulog ang sulat. Parang ganu'n," kuwento pa niya.

Matatandaang umuwi ang ama ni Marc sa Pilipinas noon para panoorin ang kaniyang anak na maglaro sa PBA.--FRJ, GMA News