Nagdiwang kamakailan ng kaniyang kaarawan si Joey De Leon sa "Eat Bulaga." Bukod sa birthday wishes ng Dabarkads, may hiling din ang Pinoy Henyo Master para sa mga "Batang Hamog," na magpapasaya raw sa kaniya kapag ginawa ng mga ito.

Sa naturang pagdiriwang, inihayag ni Bossing Vic Sotto na wish niyang matupad ang lahat ng wish ng kaniyang kaibigang si Joey.

Kakaiba naman ang wish ni Tito Sotto para kay Joey.

"Ang wish ko sa'yo, humaba pa nang humaba ang buhay mo. Yung sawang-sawa ka na," saad ni Tito Sen.

"Hanggang manawa ka," natatawang pahabol ni Vic.

May kani-kanilang ring mga wish ang iba pang dabarkads para kay Joey tulad ng mahusay na kalusugan.

Inihayag naman ni Joey ang importanteng birthday wish niya para sa Eat Bulaga.

"Ang wish ko, kumanta ng 'Top Hits' yung mga 'hamog,'" patungkol ni Joey sa mga "Batang Hamog" ng EB na si Maine Mendoza, Maja Salvador, Miles Ocampo, at Ryzza Mae Dizon.

"Yung mga 'Batang Hamog' kakanta ng mga ginawa namin nina Tito at ni Vic. Kahit ako matutuwa ako. Magandang Christmas gift para sa amin," ayon pa kay Joey, na ang tinutukoy na "Tops Hits" ay mga awitin na ginawa nila nina Tito at Vic.

"Hinahamon namin kayo," dagdag pa ni Joey.

Biro ni Maine, wish niya na magbago ang wish si Joey dahil bigla umano siyang nakaramdam ng pressure.

Ang mga bagong dabarkads na sina Miles at Maja, nagpasalamat na naging bahagi sila ng Eat Bulaga at nakatrabaho si Joey.

Nangako si Miles na gagalingan na niya ang kaniyang "knock knock" jokes.

Ipinaalala naman ni Ruru Madrid na si Joey ang unang judge niya sa sinalihang contest noon sa GMA na "Protege."--FRJ, GMA News