Inihayag ng Kapuso actor na si Jeric Gonzales ang dahilan kung bakit sila naghiwalay ng beauty queen at kapuwa Kapuso na si Rabiya Mateo.

Sa ulat ng PEP.ph, sinabi ng "Start-UP PH" actor na walang third party sa kanilang naging relasyon.

"Ang pinaghiwalayan namin, siguro misunderstanding lang. Siguro 'yung priorities naming pareho sa work, sa career, sa life," pahayag ni Jeric.

"Naghiwalay kami nang maayos and hindi kami bitter sa isa't isa. Kaya 'pag nagkikita kami, hindi kami nag-iiwasan, hindi awkward," dagdag niya.

Kamakailan lang ay nagkasama ang dalawa nang mag-guest si Jeric at si Yasmien Kurdi sa "TiktoClock" [na host si Rabiya] para mag-promote ng "Start-Up PH."

Kapansin-pansin ang closeness pa rin nina Jeric at Rabiya. Inihayag ng dalawa na nananatili naman silang magkaibigan matapos maghiwalay.

Hindi rin isinasara ni Jeric ang posibilidad na magkabalikan sila ni Rabiya.

"May possibility pa rin na in the future, puwede pa," anang aktor.

Unang nagkasama sa proyekto ang dalawa sa isang episode ng "Wish Ko Lang" noong November 2021.

Naging bukas naman sina Jeric at Rabiya tungkol sa kanilang relasyon noong nakaraang Marso makaraang silang mag-post ng mga larawan na magkasama.

Pero pagsapit ng Hunyo, napansin ng kanilang followers sa Instagram na nag-unfollow sila sa isa't isa at binura ang mga larawan na magkasama sila.—FRJ, GMA News