Ikakasal na ang dating chil star na si Serena Dalrymple sa kaniyang non-showbiz boyfriend.
Sa Instagram post nitong Sabado, ibinahagi ni Serena ang timeline ng kanilang relasyon ng kaniyang soon to be husband na si Thomas Bredillet.
Mula sa kanilang unang pagkikita noong 2018, ang pamamasyal sa Scotland at Paris noong 2019, at pagbili ng bahay noong 2020, ngayong 2022 ay panibagong yugto sa kanilang buhay ang kanilang bubuuin.
"2022 - we are getting married next week," sabi ni Serena sa caption ng kaniyang post.
Nagpaabot naman ng pagbati sa comment section ang ilang celebrity tulad nina Rica Peralejo, John Prats, at Shaina Magdayao.
July 2021 nang ihayag nina Serena at Thomas ang kanilang engagement.
Naninirahan na ngayon sa Amerika si Serena, na dating nagpasaya at nagpa-iyak sa mga manonood sa mga pelikulang ginawa niya bilang child actress noong 2000s. —FRJ, GMA News