Kahit marami nang nagawang tv project at pelikula, may role pa rin si Gabby Concepcion na nais magampanan na kakaiba.

Matapos na muli siyang pumirma ng kontrata bilang Kapuso nitong Huwebes, sinabi ni Gabby na gusto niyang gumanap na bampira--si Dracula.

"Actually, gusto ko maging Dracula," anang batikang aktor. "Wala lang, iba lang."

Sinabi rin ni Gabby na gusto niyang gumanap na zombie.

Pero paglilinaw niya, handa siya sa kahit na anong role.

"Kahit na ano naman ibigay sakin, gagawin ko," ani Gabby.

Una na rito, sinabi ni Gabby na gusto sana niyang madugtungan ang teleserye nila ni Sanya Lopez na "First Yaya" at "First Lady."

Sa nagdaang anim na taon ng pagiging Kapuso, kabilang sa mga ginawa ni Gabby sa Gabby sa GMA ang "Ika-6 na Utos," "Because of You," at "Love You Two." —FRJ, GMA News