Dahil sa lalim ng pagkakaibigan na kanilang nabuo sa kanilang afternoon drama series na "Return To Paradise," sinabi nina Derrick Monasterio at Elle Villanueva na hindi sila papayag na hanggang "taping friends" lamang sila, o nag-uusap lang tuwing nasa trabaho.

"Sa personal relationship, I think we are very close. Pinag-usapan din namin 'Kung magiging 'taping friends' lang ba tayo?' Sabi namin hindi, bawal. Maiinis kami sa isa't isa if maging taping friends kami," sabi ni Elle sa Surprise Guest with Pia Arcangel.

"Magagalit ako sa'yo kapag ginawa mo siya," komento naman ni Derrick.

"Magagalit din ako sa'yo," tugon ni Elle.

 


Ayon sa aktor at aktres, may mga artista na hanggang "taping friends" lang, o kaibigan o ka-close lang kapag nasa trabaho. Pero pagkatapos ng taping, tila nililimot na ang pinagsamahan.

"Ang dami kong na-experience na ganiyan," paghayag ni Derrick. "Secret!" dagdag pa niya, na hindi na pinangalanan pa ang mga artistang hanggang "taping friends" lang.

"Basically kinalimutan niya. Nag-drop siya ng character, nag-drop siya ng lahat. Tapos, hindi naman sa hindi kilala, pero not as close na compared to before. Of course 'pag nagkikita-kita 'Hi!' 'Hello!' Pero that's it," sabi ni Derrick.

"Siyempre nag-invest ka ng time mo eh, ng character mo, nag-invest ka ng pagmamahal sa character niya. And like Elle said, nag-iinvest din ako ng personal as Derrick sa kaniya. So, ouch 'yun, 'di ba?" dagdag ni Derrick, na gumaganap bilang si Red Ramos sa kanilang series.

Gayunman, mas masasaktan daw si Derrick kapag hindi na sila mag-usap ni Elle pagkatapos ng taping o pagkatapos ng series.

"Pero feeling ko ito 'yung pinaka-ouch, 'pag hindi kami nag-usap ni Elle, kasi ito 'yung pinakamalaking investment na character ko ngayon," anang aktor.

Si Elle naman, kumportable na rin kay Derrick.

"Nag-start po kami sa workshop, ang unang pinagawa sa amin is 'yung hahawakan ang isa't isa. I wasn't comfortable at that time. But noong napunta kami ng isla, for some reason, naging comfortable na ako sa kaniya, hindi na ako nailang. Siguro kasi pina-feel din sa akin ni D (Derrick) na hindi niya ako tine-take advantage," sabi ni Elle.

"He made sure comfortable akong gawin 'yung mga gagawin niya, parang binuhat niya 'yung takot ko. He made sure na magiging comfortable ako roon. And then with the scenes, natutuwa ako kasi may halong personal sa scene 'yung ginagawa namin, deeper siya," dagdag ng aktres.

Ginagampanan naman ni Elle si Eden Santa Maria o Yenyen, ang babaeng bibihag sa puso ni Red.

Tunghayan ang Return To Paradise ng 3:25 p.m. sa GMA Afternoon Prime.  —LBG, GMA News