Nananatiling comatose dahil sa tinamong matinding pinsala sa utak ang Hollywood actress na si Anne Heche matapos maaksidente ang kaniyang sasakyan sa Los Angeles, USA noong nakaraang linggo.
Batay sa mga nalathala sa US media, iniulat ng Agence France-Presse na sinabi ng isang kinatawan ng 53-anyos na aktres na nagtamo ito ng "severe anoxic brain injury."
Naka-life support umano ang aktres na sinabi sa mga ulat na, "not expected to survive."
"It has long been her choice to donate her organs and she's being kept on life support to determine if any are viable," sinabi umano sa pahayag.
Pinasalamatan din ng kinatawan ang mga nagmamalasakit sa aktres, pati na ang mga nag-aasikaso sa kaniya sa Grossman Burn Center sa West Hills Hospital.
"Anne had a huge heart and touched everyone she met with her generous spirit," sabi pa sa pahayag.
"More than her extraordinary talent, she saw spreading kindness and joy as her life's work -- especially moving the needle for acceptance of who you love. She will be remembered for her courageous honesty and dearly missed for her light," patuloy nito.
Sumalpok ang sinasakyan ni Heche sa isang two-story house sa Mar Vista noong Aug. 5, at nagliyab, ayon sa Los Angeles Fire Department.
Sa pahayag ng Los Angeles police nitong Huwebes, sinabing magsasagawa sila ng blood test sa aktres bilang bahagi ng imbestigasyon.
Batay sa mga lumabas na ulat sa local media sa US, sinabing lumilitaw sa preliminary tests na "positive for narcotics" ang dugo ng aktres. Pero kailangan pa umano ang iba pang pagsusuri para alamin kung ibinigay ba sa aktres ang "narcotics" bilang gamot.
Ayon sa celebrity gossip outlet na TMZ, inihayag ng kanilang unnamed police sources na positibo umano si Heche sa cocaine at fentanyl. Ang fentanyl ay ibinibigay rin sa tao bilang pain relief.
Kabilang sa mga pelikulang ginawa ni Heche ang "Six Days, Seven Nights," "Donnie Brasco" at "I Know What You Did Last Summer."
Noong 1990s, pinag-usapan ang naging relasyon nila ng talk show host na si Ellen DeGeneres. -- AFP/FRJ, GMA News