Inihayag ni Ian de Leon na mas gusto niyang magpiloto noon kaysa maging isang artista. Pero dahil sa magandang pag-alaga sa kaniya nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa una niyang pelikula noong bata pa, nawili na rin siya sa pag-arte.
Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," tinanong si Ian kung nasa isip na rin niya noon na mag-artista, lalo't malalaking pangalan sa showbiz industry ang kaniyang mga magulang na sina Nora Aunor at Christopher de Leon.
"'Ayokong mag-artista. Sabi ko, kumbaga, dati pangarap ko na talagang maging pilot. I love airplanes, I love jet planes, loves that does with military," sabi ni Ian.
Ngunit ang kaniyang inang si Nora ang naghikayat sa kaniya na gumawa ng pelikula.
"Noong time na sinabi ni mommy na, 'Anak gagawa ka ng movie kay Mother Lily (Monteverde) sa Regal with Tito, Vic and Joey.' At that time, 'Huh? Who are you talking about? I don't know those people. Tito, Vic and Joey who?'" saad ni Ian.
"What do I know about doing movies? Ayoko Ma,' She had a struggle with me convincing me na I have to do it. But talagang sobrang binigyan ko talaga siya ng problema noon," dagdag pa ng aktor.
Ang tinutukoy ni Ian ay ang pelikulang Super Wan-tu-tri noong 1985, kung saan gumanap siya bilang isang batang lalaki mula sa ibang planeta na inampon ng mga karakter nina Tito, Vic at Joey.
Naka-oo na raw si Nora noon kay Mother Lily sa proyekto, at kailangan nang simulan ang pelikula dalawang linggo pagkatapos itong sabihin ng kaniyang ina kay Ian.
"I wasn't really prepared... I had little time to prepare myself for that. Wala na akong choice."
"Sinabihan ko na lang ang mommy ko, 'Mama guide me na lang, kayo na po ang bahala,'" anang aktor.
Paghihikayat kay Ian ng TVJ
Sa unang araw ng kaniyang taping, hindi raw nakasama ni Ian ang kaniyang ina, na meron ding ibang shooting.
"Iyak ako nang iyak, hindi ko alam ang gagawin ko. I was totally blank talaga. It was sailing to unchartered seas kumbaga."
Pero ipinaramdam kay Ian nina Tito, Vic at Joey na wala siyang dapat ikabahala at magagampanan niya ang kaniyang role.
"Everyone made me comfortable. Sila Tito, Vic and Joey, they are so great talaga. I mean I couldn't forget how they treated me before. They really boosted my confidence, into talking, into acting in front of the camera. It just made me feel so comfortable na, I got addicted to it during the first week of shooting."
Kaya nang matapos ang proyekto, gusto nang mag-artista ni Ian.
"I was having fun kasi I can express myself character-wise sa movie, I can play around with the characters. I just had a blast talaga," ayon kay Ian, na napapanood ngayon sa Kapuso action series na "Lolong." --FRJ, GMA News