Ibang-iba mula sa mga dati niyang role, mas pinalalim pa ang karakter na gagampanan ni Alden Richards na si Good Boy para sa Philippine adaptation ng Korean hit series na “Start-Up.”

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni Alden na hindi na siya nag-alinlangan pa na tanggapin ang proyekto nang ialok sa kaniya ang role.

Ayon kay Alden, ito ang unang pagkakataon na gaganap siya sa isang adapted series.

“It’s a great opportunity. And also, we want to show everyone kung ano naman ‘yung take ng [mga Pinoy] sa series na galing sa Korea,” sabi ni Alden.

Sinabi ni Alden na iba si “Good Boy” sa mga nakasanayan na niyang karakter.

“Hindi lang in passing ‘yung ibang mga detalye na hindi natin nakita sa Korean version. Mas malalim po ‘yung hugot. Kahit gaano siya ka-cold at kahit gaano siya kasuplado, sumisilip-silip pa rin na meron pa rin siyang mabuting puso,” sabi ni Alden.

Nakatanggap din ng papuri si Alden mula sa direktor na si Gina Alagar, na gaganap bilang lola kay Good Boy.

“Sobrang sarap niyang kaeksena. May naibibigay kasi siyang comfort sa akin with every scene that we do. And mas marami akong naibibigay na emotions,” sabi ni Alden tungkol kay Direk Gina. --FRJ, GMA News