Inihayag ng aktor at direktor na si Ricky Davao ang kaniyang paghanga kay Jose Manalo, matapos siyang maiyak at kilabutan noon sa ipinakitang husay ng komedyante maging sa drama sa isang "Eat Bulaga" special.
“Ito sa Japan, grabe pinaiyak ako,” turo ni Ricky kay Jose sa Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga."
Ang tinutukoy ni Ricky ay ang “Ikigai: Buhay ng Buhay Ko”na Holy Wednesday episode ng Eat Bulaga noong 2019.
“Meron siyang isang eksena doon na naalala ko na magdadasal siya, totoong nagdasal. So talagang kinilabutan ako noong pinapanood ko. ‘Yung totoo talaga,” dagdag ng beteranong aktor.
Tungkol sa pagdirek ng mga artista, ipinaliwanag ni Ricky na may tiwala siya sa mga artista, lalo na sa mga beterano na gagampanan nila nang maayos ang kanilang mga karakter.
Kaya naman madalas daw ay hinahayaan na lang niya ang mga ito sa kung papaano ang atake sa kanilang karakter.
“Katulad kay Allan dati. ‘Allan ito ‘yan ha,’ ganu’n lang. Tapos, bahala na siya. Eh ang gagaling naman nilang lahat eh,” sabi ni Ricky.
Kasama rin sa episode sina Bossing Vic Sotto, Ryzza Mae Dizon, Pauleen Luna, Allan K, Jimmy Santos at Luane Dy.
“Pagka veteran actors, may respeto na ako, may tiwala na ako. At naniniwala ako na kinuha kang artista, trabahuhin mo. Puwede akong magsabi based on my understanding doon sa script kung ano ang character. Pero pababayaan ko siyang gawin ‘yung sarili niya,” ani Ricky.
Ikinuwento rin ni Ricky na nagsimula siyang magdirek sa kabilang network nang subukan nilang kumuha ng mga aktor na magdidirek, at sumali siya.
Pero ano nga ba ang mas malaki ang kita: ang direktor o ang artista? Alamin sa video ang sagot ng batikang actor-director. Panoorin. --FRJ, GMA News