Hindi na uso para sa actor-director na si John "Sweet" Lapus ang maging masungit na direktor at naninigaw ng mga artista at crew. Lalo na raw ngayong may pandemic na may pinagdadaanan ang ibang tao.
Sa segment na Bawal Judgment ng "Eat Bulaga," tinanong kung sweet o terror ba sa set si John, na siyang director ngayon ng GMA comedy show na "Jose And Maria's Bonggang Villa."
"Sweet ako," pakli ni John. "Hindi ako sumisigaw A.K (Allan K)."
Isa raw sa mga dahilan kung bakit ayaw niyang manigaw ng artista ay dahil nasigawan na siya noon ng direktor bilang artista.
"Noong araw nasigawan ako, ang pangit nung feeling. At saka alam ito ng lahat ng artista [na] kapag ang direktor sumigaw, nagalit, buong araw ang nega na ng feeling nung set," paliwanag niya.
Ayaw din ni John na magkaroon ng reputasyon bilang isang direktor na sinusunod lang ng artista dahil natatakot.
"Ang daming direktor na ganyan," saad niya. "Naku hindi na uso 'yan lalo na ngayong pandemic. Baka kapag sinigawan mo yung utility [man], baka patulan ka. Kasi ang daming problema."
Paliwanag din ni direk John o Sweet, naniniwala siya na pareho rin naman ang magiging resulta kapag sinigawan at maayos na ipinaliwanag ang pagkakamali ng isang tao.
Payo naman niya sa mga baguhang direktor, "Mag- research, pagbutihin ang trabaho ninyo. Huwag kayong pupunta sa giyera na walang baong baril. Yung iba nga walang baong bala. So dapat meron, dapat handa ka; physically, emotionally, mentally. Kasi mahirap ang pagiging direktor." --FRJ, GMA News